Kasabay ng pagdating ng pandemya kung saan mas naging patok ang paggamit ng social media (socmed) sa pagbebenta ng mga produkto sa ngayon, mariing ipinaalaala ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga online seller na lagyan ng presyo ang mga itinitindang aytem, bilang pagtalima sa Price Tag Law.
Sa pinakabagong memorandum na ibinaba ni DTI Regional Director Joel Valera kahapon, Hunyo 4, na naka-address sa Provincial director’s/caretaker ng DTI-Mimaropa, iniatas niya ang mahigpit na pagpapatupad ng nabanggit na batas sa Online Selling. May nauna na ring mensahe ang mismong kalihim ng ahensiya kamakailan sa dapat sundin kaugnay dito.
“Following the rule that ‘When the law does not distinguish, we shall not distinguish,’ such above-cited provisions apply to all retailers whether selling in physical stores or through online shops. In this regard, online sellers advertising without price tag shall be apprehended proactively considering that online selling is the current trend. Likewise, consumer complaints on the matter shall be acted accordingly,” ang bahagi pa ng kautusan ni DTI Mimaropa Regional Director Valera na kasalukuyang panglalawigang direktor din ng DTI-Palawan.
Gaya ng tinuran ng direktor, ibinaba ang kautusan bunsod ng paglobo ng bilang ng sumasali na ngayon sa pagbebenta online kaya kanyang ipinaalaala ang mga mahahalagang probisyon ng Consumer Act hinggil sa price tag requirement.
Ang mga ito ay ang Art. 81, ang “Price Tag Requirement” na nagsasaad na labag sa batas na magtinda ng anumang consumer product para sa retail sale ng walang kalakip na price tag, label or marking na naka-display at nakikita ng publiko at nagsasabi ng presyo ng bawat aytem habang sa Art. 82 na ukol sa “Manner of Placing Price Tags,” nakasulat na ang Price tags, labels or markings ay kailangang malinaw na nakasulat, at nakasaad sa peso at sentabo ang presyo ng bawat yunit ng consumer product. Para naman sa mga lumabag, makikita sa Art. 95 (b) na ang sinumang indibiwal na sumuway sa mga probisyon ng Article 81 hanggang 83, sa unang pagkakataon ay papatawan ng multang di bababa sa P200 ngunit di naman hihigit pa sa P5,000.
Ang nasabing mga probisyon ng price tag requirements ay una na umanong mahigpit na nakasaad sa DTI DAO No. 10, series of 2006.
Hindi sakop ng DTI ang pagkain, mga gamot, cosmetics, mga device, at mga hazardous substances dahil ang mga ito ay nasa ilalim ng Kagawaran ng Kalusugan, alinsunod sa Article 75.
Mariin ding ipinaalala ng ahensiya na maging mapagmatiyag sa mga papasuking transaksyon sa online dahil hindi maiiwasang may mga bogus na indibidwal na pinapasok ang online selling gamit ang pekeng account at address upang maiwasan ang kaparusahan ng kanyang iligal na gawain.
Sa kabilang dako, kwento naman ng isang Palawenyang full-time mom na ilang taon na ring online seller na si Karen Batiancilla, totoo mang hindi madali ang online selling lalo na kapag ukay-ukay ang paninda ngunit malaki umano ang naitulong nito sa kanya dahil marami na siyang naipundar na mga kagamitan sa apat na taon niyang pagbebenta online.
“Kahit ano po na pwede ibenta, [pinapasok ko kaya] madami na akong napundar na gamit since 2016 na nag-start ako,” aniya.
Mula sa pagbebenta ng mga ukay-ukay, pinasok na rin umano niya maging ang pagbebenta ng beauty products at mga isda na pang-aquarium at tiniyak niyang naka-indicate ang presyo ng mga ito.
Aniya, kung matiyaga lamang ay malaki rin umano ang tutubuin sa pagtitinda na minsan ay aabot pa sa triple habang sa beauty products naman, kahit nasa P10 hanggang P30 lamang ang kikitaan ngunit malaki na rin kapag naipon na.