Isang dump truck na may kargang panambak ang naaksidente sa bahagi ng Sitio Magarwak, Brgy. Bacungan kaninang umaga.
Dalawa ang napaulat na sakay ng nasabing trak na nang maganap ang insidente ay hindi makalabas mula sa loob at nagtamo ng pinsala. Kinilala ang mga biktima na sina Orly Presnillo, 35 taong gulang, drayber at mula sa Brgy. Riotuba, Bayan ng Bataraza, Palawan at Reynold Sinay. 34 anyos, pahinante at mula rin sa nabanggit na lugar.
Sa post ng Public Information Services (PIS) Puerto Princesa City Fire Station, nakasaad na dakong 9:15 am kanina nang makatanggap sila ng emergency call mula sa Kilos Agad Action Center (KAAC) na humihiling ng tulong para sa isasagawang rescue operation sa isang vehicle accident na naganap sa kahabaan ng North National Highway ng Brgy. Bacungan, Lungsod ng Puerto Princesa.
“Naka-receive kami ng tawag [mula] sa kanila (KAAC)…kaya po kami nag-dispatch [ng Special Rescue Unit at Emergency Medical Services] kasi may tumaob pong dump truck at naipit ang driver at kailangang i-extricate,” pagkukumpirma naman ng tagapagsalita ng Puerto Princesa City Fire Station na si F03 Mark Anthony Llacuna.
Ayon pa kay FO3 Llacuna, may nakabanggan pang SUV ang dump truck bago tuluyang madisgrasya.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang KAAC rescuers, kasama ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at 911 Rescuers at inasistihan ng SRU ng Bureau of Fire Protection-Puerto Princesa City Fire Station (BFP-PPC). Matapos ito ay matagumpay na nailabas ang nasabing mga indibidwal at agad na binigyan ng pang-unang lunas at medikasyon.
Samantala, para sa anumang concern ay maaaring tawagan ang BFP-PPC sa kanilang hotline numbers sa 09257077710 (Smart), 09778551600 (Globe), at 433-0012/434-2076/160.