Isang babaeng empleyado ng Department of Science and Technology Food and Nutrition Research Institute (DOST FNRI) na galing pa umano sa Manila ang na aksidenteng natusok ng mahabang kabilya o rebar sa ginagawang daan sa Barangay San Miguel, lungsod ng Puerto Princesa kaninang hapon, Pebrero 21.
Ayon sa mga saksi, naglalakad sa gilid ng daan ang biktima at biglang na out balance at natusok ang kaliwang paa ng kabilya.
Dali-daling tinulungan ng mga tao ang nasabing biktima na hindi na lamang naming papangalanan para sa kaniyang seguridad.
Agarang rumesponde ang mga barangay officials ng Barangay San Miguel at ang Kilos Agad Action Center Team. Dinala ang biktima sa Ospital ng Palawan para gamutin. Nilipat din siya kinalaunan sa Palawan MMG Cooperative Hospital para sa karagdagang lunas-medikal.
Ang Arky Construction, ang contractor na gumagawa ng nasabing kalsada, ay nagpahayag sa pamamagitan ng text message sa Palawan Daily News na hindi raw sila nagkulang para maglagay ng safety precaution.
“Wala pong pagkukulang ang contractor dahil meron po kaming nilagay na safety precaution at safety signs walang may gusto sa nangyaring aksidente.”
Mag-iimbestiga na din ang Department of Labor and Employment (DOLE) Palawan hinggil sa nangyaring insidente para malaman kung may kapapabayaan ang nasabing contractor.
“Magpapaconduct ako ng OSH [Occupational Safety and Health] investigation, so makuhanan ko ang details ng construction area at tsaka ang iyong initial information. Titingnan muna natin ang magiging resulta ng investigation,” saad ni Luis Evangelista, Head ng DOLE Palawan Field Office.
Ayon sa bagong batas na nalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nito lamang Agosto taong 2018, ang RA 11058 o Occupational Safety and Health (OSH) Law, kinakailangan na mayroong sapat na safety signage sa lahat ng mga establisyemento, proyekto at sa mga lugar na may construction para magbigay babala sa mga trabahador at publiko para maiwasan ang aksidente.
Ang may-ari ng kompanya, contractor o subcontractor ay kinakailangang magbigay ng PPE o personal protected equipment sa lahat ng mga trabahador na libre at hindi ibawas sa kanilang sahod. Kinakailangan din na magkaroon ng safety officer para masiguro ang kaligtasan ng mga trabahador at ng publiko at nakapag-attend ng BOSH o COSH training sa accredited na training center.
Maaring patawan ng P100,000 na halagang multa bawat araw ang isang kompanya, contractor o subcontractor na hindi sumusunod sa OSH Standards, hanggang maresolba ang mga pagkukulang o paglabag nito sa batas.