Humingi ng paumanhin si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham Mitra sa mga taong posibleng nahawaaan niya ng Coronavirus diseases (COVID)-19.
Sa kanyang programa noong araw ng Sabado sa DZIP Radyo Palawenyo na “Gabay sa Kinabukasan,” tiniyak ni Mitra na sinunod niya ang mga protocol ng AITF bago umuwi sa Lungsod ng Puerto Princesa. Sa katunayan umano ay dalawang beses pa siyang nagpa-test at pareho naman umanong negatibo ang mga resulta.
Aniya, ang dalawang beses na iyon ay ang pagsailalim niya sa RT-PCR test noong Perero 25 para sa pagtungo niya sa General Santos City upang i-supervise ang International Boxing Federation World Minimum Title event hanggang sa pagbalik niya sa Maynila noong Pebrero 28 at lumabas na negatibo naman umano siya sa COVID-19. Ang ikalawa naman ay noong Marso 1 na nagpa-test siya sa Philippine Red Cross-Rizal Chapter. Negatibo ang resulta kaya noong Marso 3 ay nakauwi siya ng Lungsod ng Puerto Princesa.
Marso 9 nang magpositibo si Mitra sa COVID-19 sa isinagawang saliva RT-PCR test matapos na makaramdam siya ng lagnat. Makalipas ang 14-day quarantine ay idineklara siyang recovered na mula sa COVID-19 ng mga kinauukulan.
Binanggit naman ng GAB Chairman na ayon sa evaluation ay walang nahawaan ng COVID-19 sa mga dumalo sa isinagawang bike fun ride sa Acacia Tunnel kamakailan.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Mitra sa mga taong nagpaaabot sa kanya ng mensahe at nanalangin para sa kanyang agarang kagalingan, gayundin sa mga bumubuo ng Puerto Princesa City IMT.