German na turista, stranded sa lungsod

Apat na araw nang tumutuloy ang isang German na turista sa Barangay Hall ng San Miguel matapos itong magkaroon umano ng anomalya sa kanyang ticket.

Ayon kay Matthias Gürtler, bumisita siya dito sa Pilipinas para magbakasyon. Dalawang araw bago siya umalis ay sinigurado niya sa kanyang airline ang kanyang ticket pauwi, pero nang pumunta siya sa airport ay wala umano sa manifest ng airline ang pangalan niya.

Matapos nito ay dinala siya ng airport security sa Barangay Hall ng San Miguel, kung saan siya kasalukuyang nanunuluyan.

Naubos na ang pera ng turista, at nahulog umano sa dagat ang kanyang cellphone kaya ang tanging paraan lang niya para may makontak na kaibigan ay sa pamamagitan ng Facebook.

Ayon sa hepe ng Bureau of Immigration (BI) na si Jojo Carolino, sinusubukan nilang tawagan ang German Embassy ngunit hindi pa umano sumasagot ang kanilang mga telepono. Ayon kay Carolino, susubukan nilang kontakin muli ang German Embassy para matulungang makauwi si Gürtler.

Sa ngayon ay nanunuluyan pa rin si Gürtler sa Barangay Hall ng San Miguel.

Dapat ding antabayanan ang eksklusibong panayam ng BI na kanilang ilalabas sa loob ng dalawang araw.

Exit mobile version