Pinangunahan ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron sa loob ng dalawang araw mula noong Mayo a-trenta (Mayo 31) hanggang a-trenta’y uno (Mayo 31) ang ‘groundbreaking ceremony’ o paghuhudyat ng pagsisimula ng kagagdagang labindalawang (12) proyektong pang-imprastraktura sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ilan sa mga proyekto ay nakatuon para sa pagpapalakas ng sektor ng kalusugan na ang layon ay ang pagkakaroon ng ‘preventive medicine’ o ang pagtugon sa mga problemang pangkalusugan bago pa ito mauwi sa malalang sakit. Inako ng Mega Apuradong Administrasyon ang pagpapatuloy sa ilang mga nabinbing konstruksyon ng Rural Health Units sa Brgy. Bagong Bayan at Brgy. San Miguel at Super Health Center sa Brgy. Inagawan na pinondohan ng Department of Health (DOH). Ipagpapatuloy rin ang pagkumpleto sa Satellite Clinic sa Brgy. Mangingisda.
Malaki ang pasasalamat ng mga punong barangay sa proyektong ipinagkaloob para sa kanilang nasasakupan.
“Paulit-ulit na pasasalamat ang gusto ko pong sabihin sa inyo mayor kasi from year 2016 nung simulan po ito ay hindi na ito naipagpatuloy. Ito nasa phase III na po at alam namin na wala pang pondo ang para sa phase IV nito kaya ito po ang alam namin na ibibigay niyo po sa amin.” Ayon kay Brgy. Kapitan Danilo Villawala ng Brgy. Bagong Bayan.
Dagdag pa ni Punong Brgy. Roderick Cervantes ng Brgy. Inagawan, “Marami po ang maseserbisyuhan nito mayor. Hindi lang po para sa Brgy. Inagawan kundi sa mga kalapit pa naming barangay hanggang doon po sa ilang lugar sa kabilang munisipyo. Sobra sobrang pasasalamat po naming sa inyo.”
Kasama rin sa mga sisimulang proyekto ay mga sirang daan sa sentro ng siyudad na magbibigay ginhawa rin sa mga mamamayan. Gagawin ang ‘road reblocking’ sa Valencia, Manalo to Parola road at TS Paredes St. sa Brgy. Masipag. Maging ang Lanzanas, Tarabidan, Lomboy, BM at Tangay Road ay isasaayos rin. Isasagawa naman ang ‘asphalt overlay’ sa Lacao St.
“Dito po dumadaan ang ilan sa malalaking sasakyan papuntang depot, iyong pupunta po sa Naval Base sa Parola at marami po ang giginhawa ang biyahe dito. Matagal-tagal rin na malubak at may mga butas po na daan kaya salamat po talaga mayor at napakinggan po itong hiling namin dito”, sabi ni Brgy. Kapitan Virgilio Rabang.
Ani naman ni Engr. Alberto Jimenez Jr., “Alam namin na matagal niyo na rin itong kahilingan na maisaayos pero hihingi na kami kaagad ng paumanhin sa abala ng gagawing construction at siyempre iyong pagsiguro sa mga bata o mga anak po ninyo na hindi po maaaksidente nitong pagtatrabaho sa kalsada.”
Tuluy-tuloy rin ang pagtatapos ng pagsasaayos ng City Cemetery sa Brgy. Sta. Lourdes. Kinukumpleto na rin ang ilang bahagi pa ng gusali sa City Slaughterhouse kabilang ang kalsada, parking space, sidewalk at drainage maging ang paglalagay ng STP Perimeter Fence. Mga malalaking proyekto ng lokal na pamahalaan na tunay na maipagmamalaki sa buong bansa.
“Itong mga proyekto na ito ay alam ko, alam namin na magiging malaking bahagi ng pagtupad sa pangarap ng bawat isa na magkaroon ng mas maginhawang pamayanan. At ito ay hindi lang para sa inyo kundi paghahanda rin ito para sa mga henerasyon ng mga kabataan ngayon at sa mga magiging anak ninyo at magiging anak pa nila.” Bahagi naman ng pahayag ni Mayor Lucilo R. Bayron sa mga mamamayan.
Kasama rin ng alkalde sa isinagawang programa ay sina City Councilor Jonjie Rodriguez; City Coun. Patrick Hagedorn; City Coun. Elgin Damasco; at SK Federation President City Coun. Myka Mabelle Magbanua. Nariyan rin ang mga inhenyero at arkitekto mula sa City Engineering Office na pinamumunuan ni Engr. Alberto Jimenez Jr.. Panauhin rin sa pag-iikot sa mga gagawing proyekto ay ang mga estudyante at miyembro ng Apuradong Kabataan ng Puerto Princesa mula sa Palawan National School, Mandaragat-San Miguel High School at San Miguel National High School.