Grupo ng mga Cebuanong turista na namamasyal sa Puerto Princesa, imposible ayon sa City Tourism Office

AGAD nakarating sa Puerto Princesa City Tourism Office ang post ng isang netizen na di umano ay may nakita siyang mga turista galing Cebu na namamasyal sakay ng multicab at balak pang pumunta sa Underground River.

Ayon kay Assistant City Tourism Officer Demetrio Alvior, parang mahirap paniwalaan ang post ng netizen dahil nasisiguro nyang walang byahe sa lungsod papunta at galing ng Cebu, matindi rin umano ang mga alituntuning ipinapatupad ng lokal na pamahalaan sa mga airport at seaport kaya imposible ang nasabing pangyayari dahil automatic na quarantine ang mga ito sakaling dumating nga sila sa Puerto Princesa.

“Wala kaming byahe direct Cebu, kaya panu nangyari na taga Cebu yan, wala pa ring destinasyon na bukas, kung ako turista kahit bigyan mo ko ng libre di ako aalis, tsaka sinabi nya may tour guide pa, kung may tour guide bakit naka multicab, kung may tour guide naka arrange yan sa agency provided ang van, maraming question dyan kaya pinapa-validate pa namin, lalo pa Cebu naka-lock down paano yan maka byahe dito,” ani Alvior.

Sinabi pa ni Alvior na kanilang kinontak ang nag post ng insidente ngunit hindi umano ito makabigay ng sapat na detalye para ma-imbestigahan o ma-trace nila ang kinaroroonan ng mga sinasabing turista. “Parang ang hirap sya paniwalaan, hinihingi namin sa kanya para i-validate ayaw nya man sabihin, kung concerned ka talaga ba’t di mo sabihin para ma-investigate o ma-trace, pero pina-check pa rin namin hindi namin siya pinapabayaan ng ganun ganun na lang,’ dagdag ni Alvior.

Sa panayam naman ng Palawan Daily sa nag post sa Facebook ng pangyayari na si Majay Ponce De Leon, sinabi nitong wala naman syang masamang intensyon sa pag-post ng kanyang nakita, wala rin anya siyang sinabi na may kasalanan o may mali, nagkataon lamang na nakita nya ang mga ito nung hapon ng Hunyo 25 sa isang lugar.

“Ako nakita ko sila, pag Palawenyo ka alam mo di ba yung hindi taga rito, sa akin hindi paninira or everything parang awareness lang, andoon ako sa vicinity eh, hindi rin nila alam kasi private tour sila, wala akong na gather na info about that,” Paliwanag ni Ponce De Leon.

Exit mobile version