Hot na ba ang panahon?

Hindi na kailangan ang mga panlamig dahil ramdam na ang maalinsangan at mainit na panahon lalo na sa umaga, senyales na papasok na ang tag-init sa bansa. Ayon sa PAGASA nagsisimula nang maranasan ang mainit na panahon dahil mangingibabaw na ang hangin mula sa Dagat Pasipiko at pumasok na umano tayo sa tinatawag na ‘vernal equinox’.

“Magdo-dominate na po ang easterly winds ang iiral mula po sa Huwebes and onwards, so pagka-easterly winds mas mainit po yan kasi ang pinanggagalingan niyan ay galing sa mainit na Karagatan ng Pasipiko,”

“Noong Sabado ay ang tinatawag po natin na vernal equinox ito po yung senyales na pag-iiba ng magiging panahon. ‘Pag tinawag tinawag po na equinox kasi ang araw ay direktang overhead sa atin pong equator, ibig sabihin the same latitude form both hemisphere ay pantay ang kanilang araw at gabi,” pahagyag ni  Sonny Pajarilla, Chief Meteorological Officer ng PAGASA Puerto Princesa.

Paliwanag pa ni Pajarilla, dahil sa ‘vernal equinox’ ay unti-unting nawawala ang malamig na panahon at papasok na sa summer o tag-init sa susunod na mga buwan.

“Mula po noong Linggo (Marso 21) ay umaakyat na po yung araw mula po sa ating equator kaya patungo na po tayo sa tinatawag na Northern hemisphere, spring na po tayo towards summer na yan. Ang summer ay sa June so pagtinawag na spring nawawala na po yung mga high pressure system na malalamig at dahil doon ay wala masyadong malamig na hangin na inaasahan sa mga susunod na araw,”

Samantala  nagpaalala naman ang PAGASA na iwasan na ang paglabas ng bahay na walang pananggalang sa init ng araw at ugaliin ang pagdala ng tubig bilang pamatid uhaw.

“Iwasan po na magbilad sa araw talaga ng direkta na walang tayong protective gear, sombrero man yan at saka jacket and dapat may bitbit na tubig kasi kailangan po na ma-replenish,”

Ayon naman kay Ange ng Barangay San Pedro, importante pa rin na maging komportable ka sa mga sinusuot na damit kapag mainit ang panahon at huwag kalilimutan ang maligo araw-araw.

“Maligo araw-araw at least dalawang beses, magsuot ng komportable damit tapos uminom ng mga malamig para maibsan ang init, pumunta sa lugar na malamig gaya sa mga Mall pero huwag mong kalimutan ang pagsunod parin sa protocol, yung social distancing.”

Exit mobile version