Inilipat sa Agricultural Center ng Barangay Irawan ang mga manininda na apektado ng proyekto ng Puerto Princesa City Government sa New Public Market sa Barangay San Jose. Pero hiling ngayon ng mga manininda na ilipat na rin sa Irawan ang lahat ng bagsakan sa lungsod.
“Hiniling ko po doon kay Mayor na sana matulungan ang hinaing ng lahat ng vendors na kung puwede po yung mga produkto na pinapasakay sa mga van, sa bus, sa jeep at yung sa trucking na nagbabagsakan diyan sa bayan, diyan po malapit sa Liberty mayroon po dyan at yung sa gilid ng SM. So kung lahat po kami pagsabay-sabayin siguro po dadayuhin kami ng mga manininda ng palengke,” ani Dorna Canja isa sa mga Board of Directors ng samahan ng mga manininda sa New Public Market
Dagdag pa ni Canja, bagamat pansamantalang libre ang kanilang upa sa paglilipatang puwesto, pinangangambahan ng ilang manininda na mabulok ang kanilang mga paninda dahil walang masyadong bumibili sa Barangay Irawan.
“Yun din po yung ipinaabot namin sa lahat ng mga vendors na hangga’t hindi pa kami dayuhin ng tao at hindi pa kami halos bumebenta doon. Pero ang iniisip naman po ng mga vendors ‘oo libre tayo pero ang problema po sa dalawang araw palang bulok na paninda namin’. Yun po yung mga sagot ng mga vendors sa amin nung magpa-meeting,” pahayag ni Canja.
Ayon naman sa Chairman ng Committee on Market and Slaughterhouse ng Sangguninag Panlungsod na si Councilor Elgin Damasco, ang bagsakan sa may SM at sa Liberty ay tatanggalin at posibleng ilipat din sa Irawan Agricultural Center.
“May order na rin si Mayor Bayron diyan tungkol sa mga nagbabagsakan [at] talagang paaalisin na sila kasi illegal yan. So isa lang ang bagsakan natin, sa Irawan lang so doon yun silang lahat. Pinapa-check na yan ni mayor yung sa Liberty [at] diyan malapit sa SM,” ani Damasco.
Lumalabas din aniya sa pagpupulong na kailangan umalis at lumipat ang mga manininda sa palengke ng San Jose upang bigyang daan ang itatayong bagong gusali.
“Base doon sa pagpupulong sa tanggapan ni Mayor Lucillo Rodriguez Bayron, ang pagkakaintindi ko is whether they like it or not kailangan nilang lumipat. Kailangan nilang umalis dahil hindi puwedeng tigilan yung pagtatayo ng panibagong market building diyan. Dahil mayroong grace period yan eh kung kailan dapat matapos. ‘Pag hindi po natapos iyan [ay] mananagot naman ang City Government. Ayon naman sa tanggapan ng Market Superintendent matagal na nilang binigyan ng abiso ang mga manininda na kailangan talaga nilang umalis diyan,” dagdag pa ni Damasco.
Sa ngayon ay pansamantalang nakapuwesto ang ilang manininda sa gilid ng kalsada na papasok sa palengke para kahit papaano ay kumita umano sila habang hinihintay ang lugar na paglilipatan.