Sa pagpapaigting ng mga operasyon ng City Government sa mga lumalabag sa batas trapiko dito sa Lungsod ng Puerto Princesa ay kinailangan nilang magbukas ng isa pang impounding area sa Penera Road, Barangay San Pedro para ilagak dito ang mga nahuhuling sasakyan. Ito ang naging pahayag ni Traffic Operations Manager Allan Mabella.
“…mga dalawang linggo pa lang noong i-open namin ‘to…nung nag start kaming manghuli ng mga colorum, November 18 ‘yun, talagang ang dami [ng mga sasakyan at] hindi na magkasya sa [Medoza Park] kaya minadali namin tapusin ito [na impounding area], para ilipat ang iba [na sasakyan] dito,” Ani Mabella.
Binanggit din nito ang magiging boundary o kung saan mapupuntang impounding area ang mga mahuhuling sasakyan.
“Ang boundary namin dyan [ay] yung Caltex [at] A&A Plaza. Kung nahuli [ang mga sasakyan] sa Malvar hanggang pababa ng San Miguel, lahat yun mapupunta sa Mendoza [Park]. So lahat naman [na] mahuhuli dito sa North and South Road, pati interior roads nitong north road natin, dito dadalhin sa Penera [Road],” pahayag ni Mabella.
Kampante naman siya na hindi basta-basta mapupuno ang bagong impounding area dahil sa mabilis na proseso at pagrelease ng mga behikulo.
“…sa isang araw siguro nag-aaverage tayo…kung tricycle lang nahuli umaabot tayo ng 20… halos kalahati ang nai-release [sa parehong araw ng pagkakumpiska ng sasakyan] kaya mabilis din [at] hindi talaga mapupuno ang impounding area. Sa tingin ko sapat naman itong laki niya kasi hindi naman talaga na-stock yung sasakyan ng sobrang tagal,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, ipinaliwanag din ng opisyal ang proseso para makuha ng mga driver ang kanilang mga sasakyan at kung magkano ang kailangang bayaran depende sa kanilang violations.
“…mabilis naman po [ang proseso]. Once nakabayad [na] sila, ipro-process lamang po doon sa record section namin [at] bibigyan sila ng release paper kung saan naka-impound yung kanilang motor [at ibang sasakyan]. Pupuntahan lang nila [at] dadalhin lang ang release paper para ma-release yung unit [o ang sasakyang na-impound]…yung medyo malaki lang dyan na binabayaran is yung colurom nasa 3,000 [Pesos], modified muffler 2,500 [Pesos], [at ang] walang lesinsya [ay] 1,000 [Pesos],” paliwanag pa nito.