Naniniwala si Kapitan Ronaldo “Mong” Sayang ng Brgy. Sta. Monica na walang dapat ipag-alala ang mga residente ng barangay sa kabila ng bagong naitalang positibo sa COVID-19 dahil malayo umano ito sa kaniyang mga kapitbahay.
“Kinomfirm po sa atin ng IMT (Incident Management Team) na talagang nakakalungkot po na nagkaroon naman tayo ng positibo–bata pa. Walang dapat ipag-alala ang ating mga kabarangay kasi kung titingnan po natin ‘yong lugar kung saan nakatira ‘yong ating subject, ‘yong pamilya na may nag-positibo ay very isolated. Kaya para sa ating pananaw, malabo o mahirap makapag-communicate at maka-transmit [ng COVID-19 virus] sapagkat napakalayo ng mga kapitbahay nila,” ani Sayang.
Ibinahagi rin ng kapitan kung saang purok nakatira ang bata at ilang impormasyon kabilang na ang travel history ng pamilya.
“‘Di na tayo magbibigay masyado ng detalye pero ito ay matatagpuan sa Purok Pagkakaisa, Brgy. Sta. Monica. ‘Yong pamilya, nag biyahe galing Metro Manila. Base rin sa mga nakalap natin na information, nagkaroon ng positibo mula sa pamilya ng bata na nasa Metro Manila and na-treat naman at nag-negative naman sila. During the time ay nag-negative ang bata, although kasama ang pamilya, pero nag-negative ang swab test,” saad ni Sayang.
Dagdag pa ng kapitan, ilang linggo pa lamang simula bumalik sa lungsod ang bata kasama ang pamilya nito ay nakitaan ng sintomas ng virus ang pasyente at nang sumailalim sa swab test ay nagpositibo sa COVID-19.
“Noong bumalik na ang kanilang pamilya sa Puerto Princesa dito sa Barangay Sta. Monica, and few weeks ago ata, nagkaroon ng sintomas ang bata. Noong pina-check-up daw ng pamilya at ni-request ata ng doctor na ipa-swab, ‘yon nga—nag positive ang bata mula sa COVID,” pahayag pa ni Sayang.
Samantala, naniniwala ang kapitan na hindi sa Brgy. Sta. Monica o maging dito sa Lungsod ng Puerto Princesa nakasagap ng virus ang bata kundi sa pamilya nito kaya lamang, huli na nagpakita ng sintomas.
“Sa tingin natin hindi dito nakuha sa Puerto o sa Sta. Monica. Maybe doon din sa pamilya, late na lang siguro iyong symptoms,” karagdagang pahayag ni Sayang.