Kumpiskadong tambutso, ibinalandra sa waiting shed

Larawang kuha ni Michael Escote / Palawan Daily News

Isinabit ng pamunuan ng Bgy Sicsican sa waiting shed sa harap ng kanilang barangay hall ang mga nakumpiska nilang maiingay na tambutso ng motorsiklo.

Sa panayam ng Palawan Daily News kay Balbino Parangue, Punong Barangay ng Sicsican, Puerto Princesa City, sinabi niya na naisipan nilang isabit sa waiting shed ang mga niyuping open-pipe na tambutso para makita ng mga nagmomotorsiklo at hindi na pamarisan pa ang mga nahuling gumagamit nito.

Ayon pa kay Parangue, ipagpapatuloy pa nila ang panghuhuli sa mga motoristang gumagamit ng mga open pipe dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa syudad at perwisyo sa kaniyang mga kabarangay.

Pinaburan naman ni City Traffic Management Office Program Manager Engr Jonathan Magay ang ginawa ng Bgy Council ng Sicsican dahil ayon sa kaniya minsan maganda rin na napapahiya ang mga lumalabag sa batas.

Ibinaba rin umano nila sa mga barangay ang panghuhuli nito dahil sa dami ng mga gumagamit ng maiingay na tambutso lalo na sa gabi.

Matatandaang batay sa City Ordinances 819 at 821 ang mga motoristang mahuhuling gumagamit ng open pipe na tambutso at modified muffler ay magmumulta ng P2500 sa unang paglabag,3500 pesos at pagkumpiska ng sasakyan sa ikalawang paglabag at P5,000 at impoundment sa ikatlong paglabag.
Exit mobile version