Konsehal Damasco, pinangalanan ang dalawang pulis na di-umano’y may kinalaman sa Vu Dang murder case

Tahasang pinangalanan ni City Councilor Elgin Damasco sa kanyang privilege speech sa regular session ng Sangguniang Panlungsod ngayong araw ang dalawang pulis na nagkaroon umano ng papel sa murder case ni Vu Dang, isang negosyanteng Vietnamese, na pinaslang noong Mayo 8.

Base sa imbestigasyon, paglalahad, at inilabas na mga ebidensiya ni Damasco sa mga kapwa opisyal ng lungsod at mga kapatid sa media, lumalabas na sina PLTCOL Mark Allen Palacio, tumatayong hepe ng Police Station 1 at ang staff nito na si PSSG Miguel Cuarteros ang umano’y dalawang pulis ang may posibleng naging kinalaman sa nasabing kaso.

Ang paglantad ng mga pangalan na ito ay naglalayong bigyan ng impormasyon ang publiko at magpatuloy sa paghahanap ng katarungan para sa pamilya ng biktima.

Anya, dalawang beses umano hinarang ni Cuarteros ang truck ni Dang sa isang checkpoint sa lungsod noong Mayo, bago pa man ito paslangin. Dito ay inalok umano ni Cuarteros ang negosyante kung gusto ba nitong magkaroon ng “exclusive permit,” na siyang magbibigay umano sa biktima ng karapatan upang mag-isa na lamang itong mamili ng lobster fry sa probinsya at upang wala na umano itong maging problema sa pagta-transport ng produkto patungong Maynila hanggang Vietnam.

Pumayag umano ang negosyante, bagaman tumataginting na P3.5 milyong piso ang hinihingi ni Cuarteros at ng umano’y kakilala nito para maproseso sa gobyerno ang sinasabing exclusive permit. Sa pagsasalaysay ni Damasco, Mayo 2, nang nauna na umanong nagbigay ng downpayment na P2 milyong piso si Dang kay Cuarteros, sa kasunduang ibibigay ang natitirang balanseng P1.5 milyon pag naibigay na sakanya ang sinasabing exclusive permit.

Ngunit, Mayo 8, halos isang linggo matapos magkita ni Dang, Cuarteros at ng kasama nito ay pinasok ng hindi pa kilalang gunman ang tahanan ng biktima at dito na nga ito pinaulanan ng bala sa katawan na siyang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Ayon kay Damasco, noong gabi ng krimen, bagaman wala pa umano sa crime scene ang mga imbestigador ng PNP mula sa Irawan Police Station, ay dumating na sa lugar ang hepe ng Police Station 1 na si PLTCOL Palacio, upang usisain ang mga CCTV footages ng bahay.

Bagaman wala umanong karapatan si Palacio na usisain o imbestigahan ang krimen sapagkat wala ito sa jurisdiction ng kanyang istasyon, ay tahasan nitong pinakialaman ang mga CCTV ng bahay, kung saan, pinaniniwalaan na binura o sinira nito ang ibang mga footages bago pa man nakarating ang mga imbestigador na nakatalagang rumesponde mula sa Irawan.

“Pumasok siya sa crime scene, ang una niyang hinanap sa mga naiwang tauhan ni Mr. Dang ay ang mga CCTV. Nasaan daw ang CCTV. Una nitong pinasok ang bodega, at napag-alaman na lang na sinira na ‘yung CCTV server sa loob ng bodega. Nagawa pa niyang pumasok sa mismong kwarto nina Mr. and Mrs. Dang at kinalikot din ang CCTV at mayroon itong dalawa pang kasama,” ani Damasco.

“May 8 noong pinapanood nila ang mga CCTV at andoon pa kung papaano pinatay ng gunman si Mr. Dang. Ngunit, kinabukasan, ay nawala na ‘yung mga importanteng CCTV footages noong tingnan ito ng asawa ni Mr. Dang at ng kanilang CCTV technician. Nawala na ‘yung video noong May 7, kung saan unang pumunta ang gunman para magbenta ng lobster, nawala rin ang record bits ng videos sa buong araw ng May 8, kung saan pinaslang si Mr. Vu. Nawala din ang record ng CCTV footages noong panahon na pumunta si PSSG Miguel Cuarteros para kunin ang P2M kay Mr. Dang, pero ang ibang video sa ibang araw na walang kinalaman sa kasong ito, nandoon pa din at hindi na-erase,” dagdag niya.

Kasunod ng pahayag ay naglabas pa ng isang ebedinsya si Damasco kung saan makikita ang aktuwal na kuha ng CCTV footage na narekober kung saan kitang-kita ang pagpasok ni Palacio sa kwarto ng mag-asawang Dang. Dagdag niya, sa ipinasang affidavit ni Cuarteros sa kanyang opisina ay inamin nitong nangolekta ito ng halagang P2 milyon mula sa biktima ngunit itinanggi nitong may kinalaman si Palacio sa transaksiyon at iginiit na siya ay tumayo lamang na middle man.

Ayon naman sa ipinadalang mensahe ni Palacio sa Palawan Daily, sinabi nitong nakatanggap siya ng tawag mula kay PCOL Ronnie Bacuel, at pinaalam nito na mayroong nangyaring shooting incident malapit sa tahanan niya.

“Pinapunta ako doon ni CD PCOL Bacuel, tumawag sakin, sabi niya may alleged shooting incident daw sabi ng tumawag sa kanya. Pinagtataka ko lang, sino ‘yung tumawag sa kanya para pumunta ako doon at paano niya nalaman na doon ako nakatira malapit sa area ng incident? Ako nga di ko alam kung saang area ang shooting, basta sabi ko may narinig akong successive sounds like fireworks kasi unlikely na andaming putok, compared sa shooting na saglit lang, unless otherwise may gusto ‘yung gunman i-caught ‘yung attention na malapit doon, it is very unlikely na after gumawa ng krimen ay mag-ingay pa sita at kumuhang attention ng iba,”ani Palacio.

“Kaya ako andoon sa area kasi ako lang din ang kilala ng mga tao ni Vu doon, at ako din nagsasabi sa kanila na ‘yung naka-civilian na papasok para mag imbestiga is mga pulis, para i-assure ko mga tao at bata doon kay Vu na hindi kung sino-sino lang ‘yung papasok. Pinagtaka ko lang, sabi ng tunawag na daw ng PS2, kaso pagdating ko, andami na ng tao, mayroong ACTF, mga barangay tanod at iba, pinalabas ko nga sila doon sa bodega at pinaiwan ko doon at pinabantay ‘yung kapatid ni Rachelle Dang,” dagdag niya.

Sa pagwawakas ng kanyang privilege speech, nilinaw ng konsehal na hindi niya umano direktang itinuturo ang pagkakasangkot ng dalawang pinangalanang pulis, ngunit bagkus ang aksiyon ay panawagan lamang sa mga imbestigador na suriing mabuti ang anggulo ng kaso sa pagpaslang sa negosyanteng si Dang.

Sa kabila ng paglabas ng mga pangalan nina Cuarteros at Palacio, ipinapaalala ni Councilor Damasco sa publiko na dapat bigyan ang mga ito ng pagkakataong mapatunayang guilty o innocent sa harap ng batas. Hinihikayat niya ang mga mamamayan na manatiling mahinahon at maghintay sa mga susunod na hakbang ng mga awtoridad.

Samantala, ang naiwang pamilya ng negosyante ay nananawagan pa rin sa mga kinauukulan para mapabilis ang mga hakbang upang matapos ang imbestigasyon at maihatid ang hustisya sa kanilang yumaong kaanak.
Exit mobile version