Kulang na suplay ng bigas, nagreresulta ng mataas na presyo sa pamilihan, ayon sa NFA

Humarap sa imbitasyon ng Puerto Princesa City Council ang NFA, Department of Agriculture, NBI at City Agriculturist upang bigyang linaw ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa pamilihan

Puerto Princesa City—Kinumpirma ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) sa Palawan na hindi sumasapat ang produksiyon ng bigas sa pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa pagharap ni NFA Provincial Manager Ma. Lewina Tolentino sa “question and answer hour” ng Sangguniang Panlungsod, sinabi niyang isa sa nangungunang dahilan ay halos hindi na aniya magbenta ng palay sa kanila ang mga nagsasaka o rice growers dahil sa mababang presyo ng bilihan ng NFA at pinipili ng mga ito na magbenta sa mga traders.

Aniya, bumibili ang gobyerno sa halagang P17 kada kilo habang P22 naman ang sa mga negosyante ng bigas.

“Ang description ss Palawan ay self/sufficient, ibig sabihin kung ano ‘yong inani kasya sa requirements ng mga kababayan natin pero parang ngayon po lumalabas na hindi na. Ang hihilingin lamang sana namin ay pagtibayin ang pagpapataas ng produksyon sa ating probinsiya,” pahayag ni Tolentino.

Aniya pa, hindi nila mahahatak ang mataas na presyo sa bawat kilo ng commercial rice sa buong lalawigan na ang pinakamababang halaga ay P50, dahil limitado lamang ang naibigay na supply ng imported NFA rice sa lalawigan na naibebenta sa halagang P27-P32 per kilo.

Kaugnay nito humiling na rin sila sa pamahalan ng panibagong importasyon ng bigas para matugunan ang pangangailangan ng suplay nito sa bawat araw sa buong bansa.

Matatandaang 250,000 metric tons ang inangkat ng bansa mula sa Thailand. 40,000 naman rito ay nakalaan sa Palawan.

Ang 20,000 sako ng bigas ay nakalaan para sa pangangailangan ng mainland Palawan at ang karagdagang 20,000 ay para naman sa Calamian Group of Islands.

Ayon sa isang rice miller na nagmula sa bayan ng Narra na si Philip Sanchez, ang mga itintindang commercial rice sa merkado sa ngayon ay nanggagaling pa sa Metro Manila.

Ito ang mga nabibili nila ng P2,200 bawat sako at naibebenta ng P50 kada kilo sa kanilang mga outlet.

Naglabas naman ng hinaing ang isang rice retailer sa lungsod na si Irene Lobaton. Isa umano sa mga rason kung bakit kinukulang ng suplay ng bigas ang lalawigan ay dahil sa kawalan ng kontrol sa pagluluwas ng produktong bigas palabas ng lalawigan.

Samantala, ayon naman kay National Bureau of Investigation- Palawan Chief Norman Decampong wala silang namomonitor sa ngayon ma mayroong rice hoarding sa probinsiya.

Sinabi naman ni Milagros Cacal, kinatawan ng Department Of Agriculture (DA)-Palawan Field Office, na nakikita nilang magiging suntok sa buwan na maging rice sufficient ang lalawigan hanggang 2020.

Dagdag pa ni Cacal, “hindi naman kami humihinto sa tulong at pagbibigay ng intervention pagdating sa rice program na ang hangad po ay magkaroon tayo ng rice sufficiency subalit hindi rin kakayanin ng DA na mag-isa para isulong ang hangarin na ‘yan.”

Exit mobile version