Libreng sakay sa jeep at multicab hanggang Mayo 31, muling inihahandog ng Pamahalaang Panlungsod

Binigyang ekstensiyon ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang “libreng sakay” sa jeep at multicab hanggang katapusan ng Mayo, taong kasalukuyan.

Sa panayam ng Palawan Daily News (PDN) kay Atty. Arnel Pedrosa, ang City Administrator at Legal Counsel, sinabi niyang ito ay inisyatibo ni Mayor Lucilo Bayron na layong mas makapag-lingkod sa mamamayan sa gitna ng dinaranas na krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

“Unang-una siyempre public service pa rin. Ang unang masasaktan kasi hindi naman ‘yong mga nasa transport sector ‘diba. Kaso puwede naman nilang maging choice na huwag nang bumiyahe dahil wala namang kikitain eh, lugi,” ani Pedrosa.

“Siyempre ang concern ni Mayor Bayron diyan ay masolusyonan ‘yong problema sa public transport dahil very limited ‘yong availability,” dagdag ni Pedrosa.

Ayon kay Pedrosa, ang pagbibigay ng subsidy sa mga operators at drivers ng jeepney, multicab, at tricycle, ang hihimok sa kanila upang bumiyahe sa kabila ng nararanasang krisis.

Sa hiwalay na panayam ng Palawan Daily News (PDN) kay City Information Officer (CIO) at City Traffic Management Office (CTMO) Head Richard Ligad, sinabi niyang katulad din ng nauna nang sistema ng transportation subsidy ang pinaiiral sa kasalukuyang ekstensiyon ng libreng sakay.

Sa naunang subsidiya na isinagawa ng pamahalaang panlungsod mula May 5 hanggang 15, ay tumanggap kada araw bawat isa ang naka-tokang 100 jeepney at multicab ng 12-litrong gasolina at tig-i-isang libong pisong paghahatian ng operator at driver.

Bumiyahe naman sa lungsod ang 100 jeepney at multicab nang salitan kada-araw hanggang sa ang kabuuang 500 units na mayroon ang lungsod ay makatanggap ng ayuda.

Samantala, 3,125 na mga rehistradong tricycle units sa lungsod naman araw-araw ang tig-i-isang tumanggap ng dalawang litrong gasolina mula sa ayuda ng pamahalaan.

Matatandaang mariin ding pinaalalahanan ng pamahalaang panlungsod ang istriktong pag-obserba ng “social distancing” sa loob ng jeep at multicab, habang ang tricycle naman ay maari lamang mag-sakay ng isang pasahero sa bawat biyahe.

Exit mobile version