Mag-inang balintong, isinauli ng isang residente ng Puerto Princesa City sa PCSDS

Umani ng papuri at pasasalamat mula sa mga netizen si Antonio Cuino, residente ng Brgy. Luzviminda sa Lungsod ng Puerto Princesa nang i-surrender niya sa Palawan Council for Sustainable Staff (PCSDS) ang mag-inang balintong o pangolin.

Sa post ng Palawan Council for Sustainable (PCSD) noong Hunyo 29, nakasaad na isinauli ni Cuino sa PCSDS ang isang adult mother at isang lalaking baby pangolin dakong 5:05 pm noong Hunyo 28.

Ang inang pangolin umano ay may habang 111 sentimetro mula sa nguso hanggang sa kanyang buntot, may lapad na 16 na sentimetro at timbang na apat na kilo habang ang kanyang anak naman ay may habang 29.5 sentimetro, lapad na 4.5 sentimetro, at bigat na tatlong gramo.

Naganap umano ito nang makatanggap ng tawag ang tanggapan mula sa kabiyak ni Cuino ukol sa nakita at na-rescue nilang mga Balintong sa kanilang lugar na agad ding nirespondihan ng PCSDS- Wildlife Traffic Monitoring Unit (WTMU).

Ayon sa mag-asawa, dakong alas sais ng umaga ng nasabing petsa nang makita nila ang mga pangolin sa taniman na isang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.

Dagdag ni Cuino, hinuli nila ang nasabing mga hayop para maisauli sa PCSDS nang mapangalagaan ito dahil alam umano nilang mahal ang bentahan ng balat nito na may taglay na medicinal value. Aniya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakita siya ng naturang uri ng hayop simula nang lumipat sa lugar noong 2004.

“The Palawan Pangolin (Manis culionensis) is listed as Critically Endangered by the IUCN, and Critically Endangered by the Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) under PCSD Resolution No. 15-521,” ang paalaala naman ng PCSDS.

Sa muli ay nananawagan ang ahensiya na kapag may nakitang mga buhay-ilang ay huwag magdalawang-isip na iulat ito sa kanilang opisina sa pamamagitan ng kanilang hotline numbers na 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT) o dili kaya’y magpadala ng mensahe sa kanilang Facebook page.

Exit mobile version