Makabagong Provincial Medical Unit at mga patrol cars, sabay-sabay na pinasinayaan ng PPO

Photo from Palawan Provincial Police Office

Pinasinayaan na ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) ang kanilang bagong Provincial Medical Unit sa loob ng kampo nito noong Huwebes, Nobyembre 10, sa Barangay Tiniguiban, lungsod ng Puerto Princesa.

Pinangunahan ito ni Police Brigadier General Joel B. Doria, Regional Director at PRO MIMAROPA, kasama ang ilang matataas na opisyal ng Provincial Police Office.

Sa naging talumpati, nagpasalamat ito sa maayos at tahimik na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE 2023) noong Oktubre 30 at sa maayos na pagpapatrolya ng mga pulisya noong undas sa lungsod at maging sa lalawigan ng Palawan.

Bagama’t magreretiro na sa Disyembre ay nagpaalala pa rin ito sa hanay na patuloy na gampanan nang maayos ang trabaho at suportahan ang bagong papalit sa kaniyang posisyon.

Sa kabilang banda ay nagsagawa naman ng groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng bagong Palawan PPO main gate na pinangunahan pa rin ni PBG. Doria.

Sa huling programa ay isinagawa ang Turnover Ceremony para sa apat na Toyota Hilux patrol car na ipapamahagi sa apat na bayan ng Roxas, Linapacan, Bataraza, at El Nido. Layon nito na palakasin pa ang pagpapatrolya ng pulisya sa kanikanilang nasasakupan.
Exit mobile version