Mall sa Barangay San Pedro, ninakawan ng P2 milyon

Photo by Jhun Vizier Bantaculo

Halos aabot ng dalawang milyong piso ang natangay ng mga hindi pa nakikilalang kawatan matapos looban ng mga ito ang isang mall sa Barangay San Pedro, lungsod ng Puerto Princesa pasado alas 9:00 ng gabi, kahapon, ika-18 ng Setyembre 2018.

Ayon sa isang Chinese national na si Benzon Sheng, dumating ito alas 7:30 ng umaga para buksan ang kanilang opisina sa One Asenso Mall, subalit laking gulat nito ng makita ang vault sa labas ng pintuan at wasak na. Nang lapitan ito ni Sheng, nakumpirma niya na nawawala na ang kinita ng kanilang tindahan sa loob ng dalawang araw na aabot sa halos dalawang milyong piso.

“Pagbukas ko ng store, nakita ko sa malayo palang ang lalagyan ng pera. Nagulat ako at tumawag ng guard at sabi ko tingnan ang paikot,” saad ni Sheng.

Dahil hirap magsalita ng Tagalog ang biktima, hindi na ito nagbigay pa ng ibang pahayag.

Makikita na naiwan pa sa loob ng vault ang mga barya, ilang dokumento, at baril na ginagamit ng mga guwardiya ng nasabing mall. Sa unahan ng vault, makikita rin ang isang malaking butas sa pader, na sinira ng tatlong suspek para gawing daanan.

Ayon sa pulisya, hindi nakunan ng closed-circuit television o CCTV ang buong pangyayare dahil nagkataon namang brownout at sinamantala naman ito ng mga suspek. Pero bago makaalis ang mga suspek muling nagkaroon ng kuryente at paalis na rin ang mga ito kung saan iyon lang ang nahagip ng CCTV.

Ayon kay SPO2 Eustaque Ferrer, “Malamang iyon ang ginawang pagkakataon ng mga suspek dahil alam nilang walang cctv at malaya silang makakakilos sa loob.”

Samantala, sa labas ng gusali, naiwan pa ng mga suspek ang magkabilang pares na guantes, sako na posibleng nilagyan ng kanilang mga gamit, at isang plastic kung saan doon nakalagay ang mga pera na ninakaw.

Bagamat hindi pa kompleto ang ginagawang imbistigasyon ng PNP, hindi naman nila inaalis ang posibilidad na nagkaroon ng sabwatan sa mga empleyado at ang mga suspek dahil alam daw ng mga ito kung anong araw hindi makakapag deposit sa bangko ang mall.

Sa ngayon patuloy pa rin ang ginagawang masusing imbistigasyon ng mga pulisya para mahuli ang tatlong nanloob sa naturang mall

Exit mobile version