Masayang ibinalita ni Mayor Lucilo R. Bayron ng Puerto Princesa ang mga proyekto at pagbabagong aabangan ng mga mamamayan sa mga susunod na araw.
Unang binanggit ni Bayron ang balak na gawing “fragrance garden” ang bahagi ng Balayong Park kung saan maaamoy ng mga lokal at dayuhang turista ang mahalimuyak na kapaligiran dahil sa mga halamang mahalimuyak.
Ikalawa ay ang ginawang pagbisita nila sa TIEZA at PEZA, bilang panimulaing hakbang sa inaasahan ng pamunuan ni Bayron na magiging akreditado ang Puerto Princesa, partikular ang environmental estate at Quito area ay inaasahang maging tourism economic zone sa ilalim ng programa ng TIEZA.
Binigyang paliwanag din ng alkalde ang kaibahan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), (a Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) attached to the Department of Tourism) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) (promotes the establishment of economic zones in the Philippines for foreign investments).
Sinabi ni Bayron, sa PEZA, kailangan ng presidential approval, samantalang sa TIEZA ay board approval lamang.
Anya, ang tourist ecozone, environmental estate at mga propedad sa bahagi ng Quito ng Pamahalaang Lungsod ay ipapasok sa programa ng TIEZA, samantalang ang integrated fishport ay ipapasok sa PEZA, dahil sa ang layon ng huli ay patungkol sa pagkain at hindi naman sa turismo.
Ayon sa alkalde, nakausap na nila ang mga kinauukulan ng dalawang ahensiya na kung saan ihahanda na lamang ang aplikasyon mula sa City PlanningOffice para mabilis na maiproseso ang akreditasyon ng lungsod.
Magiging malaki ang kapakinabangan ng Puerto Princesa sakaling ma-accredit ang lokal na pamahalaan dahil makakapag-avail ito ng mga equipment na magagamit sa mga proyektong ipatutupad.
Ikatlo ay ang ginawang paglagda ng alkalde ng MOU (memorandum of understanding) sa opisina ng DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development), kaugnay sa Pambansang Pabahay Program para sa mabilisang pag- establisa ng housing units upang mabilis na ma-relocate ang mga informal settlers sa katanggap-tanggap na relocation sites.
Ikaapat na maaring asahan sa Puerto Princesa ay ang nakatakdang pagkakaroon ng planetarium, na kung saan ay dumating sa siyudad ang ilang mga bisitang mula sa Southeast Asia Corporation na silang magtatayo ng mga pasilidad para dito. Ang lokal na pamahalaan naman ang magtatayo ng gusali para dito.
Bukod dito, nagkaroon din ng pulong ang alkalde sa mga bumubuo ng city housing at city peace and order council, kasunod din ng pangunguna nito ng pag-release ng financial assistance sa mga naapektuhan ng sunog sa Barangay Mandaragat.
Panghuli, sa pagdating sa lungsod ng Presidente at Secretary General ng Table Tennis Association of the Philippines na si Teng Ledesma, malaki ang posibilidad na sa lungsod ng Puerto Princesa gaganapin ang International 19 and Below Junior Championship ng table tennis.
Bukod pa ito sa pakikipag-ugnayan ng alkalde sa coach ng national team ng dragon boat na minsan nang nakapunta sa siyudad upang maibalik ang International Interclub Dragon Boat Championship sa Puerto Princesa.