Mga dating rebelde, pinagkalooban ng cash assistance

Pinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pinansiyal na tulong sa 28 dating rebelde sa lalawigan sa isinagawang ECLIP at LSIP Assistance Awarding Ceremony na ginanap ngayong araw, ika-31 ng Mayo, 2023, sa VJR Hall ng gusaling kapitolyo.
Tatlong (3) dating rebelde ang tinanggap ang tig-P25,000.00 mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Local Social Integration Program (LSIP). Sa kabilang banda, labing-walo (18) ang tumanggap ng tig-P65,000.00, at pitong (7) na dating rebelde ang pinagkalooban ng tig-P15,000.00 sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng DILG.
Ang mga sumusunod na personalidad ang nag-abot ng pinansiyal na tulong: DILG Asst. Regional Director na si Rey S. Maranan; PSWD Officer na si Abigail D. Ablaña; kinatawan ng Palawan Provincial Police Office na si PLTCOL Eldie Bantal; Palawan Provincial Director ng DILG na si Virgilio L. Tagle; 3rd Marine Brigade Commander na si Col. Antonio G. Mangroban Jr.; Gng. Soccoro S. Tan ng Civil Society Organization St. Vincent de Paul; at kinatawan ni Gob. V. Dennis M. Socrates na si Executive Assistant III Christian Albert S. Miguel.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Asst. Regional Director Maranan sa lahat ng mga kasama sa pamahalaan na naging bahagi ng pagsusulong ng kapayapaan sa lalawigan, partikular na sa mga nagbalik-loob sa gobyerno.
“Sa pamamagitan ng pinansiyal na tulong na ito, inaasahan namin na makakapagsimula kayo muli ng tahimik at maayos na pamumuhay. Ito ang layunin ng aming programa. Bilang mga mamamayan na nagnanais ng mapayapang pamumuhay, iyon din ang aming hangarin bilang pamahalaan. Ngayong naririto na kayo, taos-pusong nagpapasalamat kami na wala nang karahasan na dapat pang ating kinatatakutan sa ating komunidad,” pahayag ni Maranan.
Ang LSIP ng Pamahalaang Panlalawigan, na pinamamahalaan ng PSWDO, ay nagsimula noong 2013 at hanggang sa ngayon ay mayroon nang 217 na mga benepisyaryo na nakatanggap ng tig-P25,000.00 na pinansiyal na tulong. Samantala, mayroon nang 189 na benepisyaryo mula sa ECLIP/CLIP mula noong 2014.
Exit mobile version