Hiniling ng Puerto Princesa City Government sa mga mamamayan, partikular na sa mga motorista ang pang-unawa at kooperasyon sa ginagawang paghihigpit lalo na kapag dumadaan sa 5 barangay na isinailalim sa hard lockdown.
“Unang-una ang hamon dito eh talagang kailangan ay pasensya, pasensya doon sa nagbabantay at pasensya doon sa mga motorista, dahil talagang hindi basta-basta ang ganitong trabaho.”
“Kailangan i-check isa-isa at doon naman sa mga motorista mayroon talagang pagkakataon na humahaba ang trapiko lalo na sa mga area na may checkpoint, pero ang bottom line dito ay kailangan i-check na yung mga tamang tao lang ang siyang lalabas or dadaan dito,” pahayag ni Richard Ligad, Puerto Princesa City Information Officer.
Ayon pa kay Ligad, mayroong sinusunod na pamantayan ang mga awtoridad sa check point kaya lamang umano ay hindi maiwasan na may ilang makakalusot dito
“Yung iba naman nating problema sa ganyan, minsan may iba tayong kababayan na talagang makakalusot kung talagang gagawa ng paraan , pero sana yung disiplina niyan, yun na lang ang partisipasyon na tanging maibibigay natin. Kasi usually kapag hindi naman tayo sa kalsada at tayo ay makalusot at makakuha tayo ng problema doon lalaki ang problema natin [sa COVID-19],”
Ayon naman kay Allan, isang motorista at residente sa Barangay San Pedro, nananatili na lamang umano siya sa pinapasukang trabaho, upang hindi na maabala pa sa tuwing mapapadaan sa madaming check point.
“Wala tayong magagawa kailangan nating sumunod, sila ang nagpapatupad ng batas pero sana maging sila ay sumusunod din dito. Malaking abala sa amin lalo na ang haba ng pila kapag uwian na at papasok sa trabaho, kaya nag stay-in muna ako hanggang matapos ang lockdown.”