Rerepasuhin sa ngayon ng Pamahalaang Panlungsod ang listahan ng mga umuupang vendor sa dalawang pamilihang-bayan at tatanggalin ang mga taong hindi karapat-dapat na pagkalooban doon ng pwesto.
Ayon sa pinuno ng Business Permit and Licensing Office and Regulatory Enforcement Monitoring Unit (BPLO-REM) at Joint Inspection team (JIT) na si Ma. Theresa Rodriguez, seryoso ang lokal na pamahalaan na bawiin ang lahat ng stall mula sa mga taong lumabag sa pakataran ukol sa pagrerenta sa public markets.
“Malala ang problema na dapat ayusin kasi hindi magandang i-tolerate natin na ‘yong pagmamay-ari ng gobyerno ay gagawing negosyo kasi prebilehiyo lang ‘yan [na ibinigay sa kanila],” ani Rodriguez na ang tinutukoy ay ang pagpapaupa ng ibang lehitimong stall owner sa kanilang pwesto sa ibang indibidwal o di kaya’y pagbebenta sa mga ito.
Aniya, sa gitna ng isyu ng talipapa na bawal sa ngayon, marami umano sa mga operator ng talipapa na handang sumunod sa proseso upang makakuha ng permit at maghanap-buhay sa mga palengke ng siyudad. “Siguro naman between sa nagbenta, sa nagsangla [ng mga pwesto sa palengke], ay sila (mga taga talipapa) ay may mas karapatang mabuhay ng marangal,” ani Rodrguez.
“We are here, [ready] to help the City Government na ma-polish, maayos ‘yong sistema [sa palengke] kasi tayo ang nagiging biktima, ‘yong mga mamimili, ‘yong mga ordinaryong mga mamamayan kasi sa atin kinakarga [ang dagdag na presyo] kaya tayo nahihirapan, tumataas ang mga presyo ng mga bilihin,” pagbibigay-diin pa ng pinuno ng BPLO-REM ng Puerto Princesa City.
Giit niya, isang prebilehiyo lamang ang pabigyan ng pwesto sa palengke na sana umano ay pahalagahan din ng mga nakatanggap.
“That is only a privilege, not a right. Lagi kong inuulit-ulit ‘yan na once nag-violate sa mga condition, dapat tanggalin na kayo….Kung wala kang kontrata, alis ka,” ayon pa kay Rodriguez.
GINAGAWANG KOLATERAL ANG PWESTO SA PALENGKE
Isa sa mga mainit na issue sa ngayon ay ang natuklasan pa nilang may mga stall owner na ginagawang kolateral ang kanilang pwesto para sa kanilang pangungutang sa nagngangalang Baby Gapuz.
“Mayroon silang mga dokumento na pinanghawakan na wini-waive nila ang mga pwesto kay Baby Gapuz kasi nga hindi na sila makabayad ng utang. Ginawang kolateral [ang kanilang pwesto], eh! pagmamay-ari ng City Government, gagawang collateral!?” may pagkayamot na reaksyon ni Rodriguez.
Kaya sa lebel umano ng kanilang tanggapan ay ibig niyang irekomenda na huwag nang pagkalooban ng pwesto sa palengke ang lahat ng mga tao, sampu ng kanilang pamilya, na nag-collateral, nag-loan, at nagbenta, ng kanilang stall na iginawad sa kanila ng Pamahalaang Panlungsod.
“Alam n’yo kung bakit? Kasi ‘yan din ang gagawin nila. Ang ibang karamihan diyan, mga opisyales ng samahan. ‘Yong isang samahan, ‘yong isang ganyan, sa kanya lang lahat—anak niya, asawa ng anak niya, apo niya, asawa niya.Tapos ‘yong daingan (Dried Fish Section) daw, iisa lang ang may-ari, iniiba-iba lang [ang pangalan],” pagbubunyag pa ng pinuno ng BPLO-REM.
LENDING OFFICE SA LOOB NG PUBLIC MARKET
Ayon pa kay Rodriguez, napag-alaman pa ng kanyang mga inspektor na wala pang mayor’s permit para sa taong 2020 si Gapuz sa kanyang mga pwesto sa dalawang palengke na ginagamit niya para sa kanyang lending activity.
“Yong kay Baby Gapuz kasi, based lang doon sa report ng mga tauhan ko. So, lumabas siya doon sa report na ‘yong mga naisyuhan nila ng notice of violation, ayaw nilang [tanggapin] kasi nag-uupa lang [daw] sila roon. [Tinanong sila], ‘Eh sino po ang may-ari?’ [Ang sagot nila ay] ‘Si Baby Gapuz.’ [Tinanong naman ng aming inspektor] ‘Papaano po, nagrerenta kayo rito? [at ang sagot ay] ‘Opo!’ Kaya lumitaw ang pangalan niya (Baby Gapuz),” ayon pa sa pinuno ng BPLO-REM.
“Kaya gusto ni Kgd. Elgin [Damasco], iharap ako sa Question Hour sa next meeting ay sabi [ng ibang konsehal], depende raw kasi marami pa raw ganun-ganun. Ang tingin ko riyan, marami ang nagpoproteksyon dito kay Baby Gapuz!” ang wala pang paligoy-ligoy na pahayag ni Rodriguez.
MGA NATUKLASAN NG MGA TAUHAN NG BPLO-REM
Sa summary of findings ng BPLO-REM sa ginawa nilang inventory at revalidation ng mga stalls ukol sa sino ang nagmamay-ari at may mayor’s permit ba o wala noong buwan ng Hulyo, sa New Market, ay may isang stall na pinagmamay-arian ng dalawa hanggang apat na tao at mayroong tinatawag na open space.
Sa Old Market naman umano, dalawa o tatlong buwan pinarerentahan ang isang stall. May mga kaso umanong sub-lease na gaya rin sa New Market. Ang isang indibidwal ay nagkakaroon umano ng tatlong stalls, may mga cases na nagbigay ng waiver, inilipat sa ibang indibidwal—sa tagapamana, o transfer upon death na ang iba umano ay may mayor’s permit habang ang iba ay wala.
“May closed stalls, may mayor’s permit ang iba, ang iba wala; may actual occupants na may mayor’s permit pero walang stall number kasi nga pinagpapalit-palit lang nila,” dagdag pa ni Rordiguez.
Aniya, lumabas ang nasabing mga impormasyon ukol sa nasabing mga transaksyon nang maginterbyu ang kanyang mga tauhan at mas lalo pang pinalakas nang nalaman nilang mayroon palang mag lending office roon. “So, ngayon, may nakuhang supporting documents ang mga tao [ko] and they will be presented sa committee. Its up t o the committee kung ano ang gagawin nila,” ayon pa sa hepe ng BPLO-REM.
Matagal umanong hindi alam ng siyudad ang ganitong kalakaran lalo pa’t naisapribado ang dalawang palengke, kasama ang slaughter hosue at ang terminal noon, sa loob ng ilang taon.
“May ikinakabit silang waiver of rights. Sabi ko No!…kasi nakalagay dito sa dating ordinansa na hindi pwedeng i-waive ng isang tao ‘yon kundi dapat ibalik niya sa City Government tapos ‘yong City Government ngayon ang maka-award sa kanya at may bayad ‘yon….Ngayon, ang nangyayari, sila-sila na lang ang nag-uusap,” aniya at idinagdag na minsan umano ay mas mataas pa ang bayad na hindi naman pumapasok sa kaban ng bayan.
Samantala, sinikap naman ng Palawan Daily News (PDN) na kunan ng panig si Baby Gapuz ngunit wala siyang ibinigay na kasagutan sa text man o tawag.