Tiniyak ng pinuno ng Business Permit and Licensing Office and Regulatory Enforcement Monitoring Unit (BPLO-REM) na ipatutupad na ng kanilang tanggapan ang pagpapasara sa lahat ng mga nagsulputang talipapa sa Lungsod ng Puerto Princesa ngayong taon.
Ayon kay BPLO-REM and Joint Inspection team (JIT) head Ma. Theresa Rodriguez nang imbitahan ng Sangguniang Panlungsod sa regular na sesyon noong Lunes, kailangan lamang sundin ang legal na proseso na mababaan muna ng tatlong beses na notice of violation ang operator ng talipapa at maaari nang iakyat sa City Legal Office ang recommendation para sa pagpapasara.
“We have a marching order na gawin namin ang process na three notices of violation and then for closure up to October 26, 2020…and the legal process will be up to December [also this year]. So, there will be closures [of talipapas] on December,” pagtitiyak ni Rodriguez.
Sa ilang taon ng isyu ukol sa mga talipapa, ikinatuwa ng mga miyembro ng Konseho ang mga tinuran ng pinuno ng BPLO-REM at umaasang maipatutupad ito upang hindi na umano magkaroon pa ng panibagong pagtalakay hinggil sa usapin sa susunod na taon.
Sa talaan ng BPLO-REM na ibinigay sa mga miyembro ng Konseho, umabot sa 724 na mga talipapa mula sa 12 barangay sa kabuuang 66 barangay ng Puerto Princesa ang naisyuhan na ng notice of violation noong Hulyo.
SALOOBIN NG MGA MIYEMBRO NG KONSEHO
Hati man ang saloobin ng mga kagawad ng siyudad sapagkat batid nila ang hirap sa panahon ngayon ng pandemya at ang pagtitinda sa talipapa ang ilan sa paraan ng mga mamamayan upang kumita ngunit alam din umano nilang dapat na nilang aksyunan ang isyu sa talipapa dahil na rin sa kautusan ng DILG na pagtanggal sa mga obstruction sa daan at upang maiwasan ang masampahan ng kaso ang mga opisyales ng barangay at lungsod. Lalo na umano na malaki ang epekto ng mga talipapa sa mga lehitimong manininda sa mga palengke ng siyudad.
BUWELTA NI KGD. VENTURA
Bunsod naman sa naglitawang mga talipapa sa mga barangay, di naiwasan ni Kgd. Roy Ventura na maglabas ng sama ng loob dahil sa hindi pag-apruba sa dati niyang panukalang ordinansa na layon sanang i-regulate ang pagbubukas ng talipapa.
“Kung ito’y inaksyunan natin noong 2017, siguro hindi ito inabutan ng pandemya at wala tayo ulit dito sa patawag tungkol sa talipapa; hindi ko alam kung bakit. Napabagsak na natin ang Areza, ‘yan ang purpose kaya pinabayaan natin ang talipapa—hindi ko lang alam kung totoo o hindi pero ‘yan po ang naririnig ko [dati] kaya siguro hindi naapubahan ang ating ordinansa noong 2017 pa,” tahasang turan ni Ventura.
Ilang taon na rin ang nakalilipas nang ihain sa Konseho ni Kgd. Ventura ang Sanggunian Draft Ordinance (SDO) No. 37-2019 na may titulong “An Ordinance Regulating the Construction and Operation of Satellite Markets, commonly known as Talipapas in the City of Puerto Princesa, and providing penalties for violations thereof.”
Ayon sa may-akda ng proposed ordiannce, nakasaad sa Section 5 (d) na walang papayagang magtayo ng talipapa sa two kilometers radius mula sa public market o talipapa na pagmamay-ari ng ino-operate ng City Government habang sa Section 6 naman na ukol sa Talipapa franchise, aniya, alinsunod sa Local Government Code, maaaring magbigay ng prangkisa para sa talipapa ang Konseho, kung aaprubahan ng mayorya para sa isang indibidwal, partnership, korporasyon o kooperatiba upang mag-operate ng talipapa o satellite market sa siyudad.
Ngunit aniya, ang mga mabibigyan lamang ng prangkisa para sa talipapa ay ang mga makasusunod lamang sa mga requirement na nakatadhana sa section 5.
Humingi ng paumanhin si Ventura sa kanyang mga kasamahan sa gobyerno na ginagawa naman ang kanilang mga tungkulin ngunit aniya, hindi na sana dumami pa ang mga talipapa kung naisyuhan din agad ang mga iyon ng notice of violation na noong 2017 ay nasa 300 pa lamang.
Nilinaw naman niyang hindi niya hangad na mawalan ng mga mapagkakaitaan ang mga maliliit na mga mamamayan na naghahanap-buhay sa mga talipapa bagkus gusto lamang niyang ilagay sa tama at naayon sa batas ang lahat.
“Ang purpose naman natin dito ay para proteksyunan ang ating kalusugan, kalinisan, kabuhayan at kaayusan ng pagnenegosyo ng tama sa lungsod,” pagbibigay-diin ng konsehal.
MGA MUNGKAHI NI VENTURA
Sinang-ayuna din ni Ventura ang tinuran ni Liga ng mga Barangay Federation President at ex-officio member, Kgd. Francisco Gabuco na naglipana ang mga talipapa dahil sa kakulangan din ng pag-iinspeksyon. Kaya hling niya sa mga concerned agencies na bago magbigay ng permiso o clearance ay i-inspect muna ang itatayong negosyo.
Sa sinabi naman ng BPLO-REM na kulang sila sa tauhan kaya hindi agad na nakakikilos ay iminungkahi ng konsehal na ayusin ang staffing pattern ng nasabing opisina at ipasa sa kanila ang kahilingang madagdagan ng mga tauhan na akma naman dahil sa malapit na ring talakayin ang budget para sa susunod na taon. Aniya, kunin lamang agad ang pagsang-ayon ng Human Resource at Budget Office upang kapag dinala na sa City Council ay madali nang maaksyunan at iendorso na lamang sa Punong Lungsod.
ILANG VENDOR SA PALENGKE, OPERATOR DIN NG TALIPAPA?
Sa kabilang dako, sa hiwalay namang panayam ng local media, ibinunyag ni Rodriguez na karamihan sa mga nagbukas ng talipapa ay mga vendor din ng palengke ng siyudad kaya nakapagtataka lamang umanong nagrereklamo silang humina ang kita nila dahil sa talipapa.
Binanggit pa niyang pinupulitika lamang ang nasabing isyu dahil noong hawak pa ng Areza ang pamamalakad sa dalawang palengke ng siyudad at mas mahal pa ang renta ay wala naman umanong nagsabing apektado sila ng mga talipapa.
Idinagdag pa niyang sa ginawa nilang muling pag-iinspeksyon matapos ang sandaling pagtigil dahil sa COVID-19 pandemic, napag-alaman nilang may permit nga ang ibang talipapa ngunit ang nakalagay naman ay sari-sari store, o merchandizing.
Ipinaliwanag naman ni Rodriguez na kulang sila sa tao kaya aminado silang hindi nila kadalasang nagtse-check ang isang aplikasyon at nakabatay lamang sa kung mayroong barangay clearance at zoning clearance ay binibigyan nila ng permit.