Apat na araw nang walang kuryente ang Old at New Public Markets matapos na putulan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) noong araw ng Biyernes.
Ayon kay Konsehal Elgin Damasco, na siyang chairman ng Committee on Public Slaughter House, apat na araw na nang maidulog sa kanya ng vendors ang problema.
“Yong ating mga vendors siempre madaling araw pa yan sila andoon na at napakadilim ng ating palengke at tinanong natin ang market superintendent Joseph Vincent Carpio kung totoo ba na naputulan ng linya ng kuryente ang market ng PALECO? Kinumpirma naman niya na naputulan ng kuryente dahil mayroong hindi nabayaran ang City Government na mahigit isang milyon o isang milyon at dalawang daang libong piso,” pahayag ni Damasco.
Dagdag pa ng konsehal tinanong niya rin si Carpio na bakit nangyari iyon at ipaliwanag daw nito sa kanya wala silang natanggap na billing or notice of disconnection mula sa PALECO dahil kong napadalhan daw sila ng disconnection letter gagawan naman daw agad ng paraan.
“Pumunta ‘yong tauhan ni Carpio sa Paleco para humingi ng actual billing dahil ang kasalukuyan na natanggap nila ay nagkakahalaga lamang ng P600,000 at nabayaran na,” pa ni Konsehal Damasco.
Nais pa rin alamin ng konsehal ang sinasabi ni Carpio kung may katotohanan sa sinasabi na walang natanggap na disconnection letter na ipinadala ng PALECO at basta na lamang nagputol ng linya ng kuryente na walang prior information o prior disconnection notice sa City Government.
“Tinawagan na rin natin ‘yong manager ng PALECO, hindi sumasagot yong kanilang finance manager. Nais natin hingan ng paliwanag ang Paleco kung ano nga ba ang totoong nangyari dahil napakalaki ng naging epekto nito hindi lamang sa mga vendors kundi pati na rin sa mga mamimili at isa lang po ang maganda dito ginagawaan na ng paraan ng City Government na ito ay masulusyonan itong problema just a matter of time. Ang akin lang pakiusap sa PALECO ibalik niyo na ang linya ng kuryente, hindi naman tatakbo ang City government at magbabayad naman,” saad ni Damasco.
Inaalam din ng konsehal kung bakit umabot sa P1.2 milyon at nilinaw din nito na hindi niya pinabayaan ang mga vendors.
Sa panayam ng Palawan Daily News sa Acting General Manager Eric Villar, maglalabas na lang daw sila ng advisory at nakausap na rin nito ang City Government.
“Generalized magpapasa kami ng demand letter dahil specific naman na hindi lang yong palengke dahil mayroon pang ilang bills generalized naman po,” pahayag ni Villar.