Masayang ibinahagi ng medical center chief ng Ospital ng Palawan (ONP) na si Dr. Melecio Dy na wala pa man ang panukalang resolusyon ni Vice Mayor Maria Nancy Socrates na humihikayat sa pamunuan ng ospital na magkaroon ng tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga kababaihang biktima ng karahasan ay mayroon nang Women and Children Protection Unit (WCPU) ang ONP.
Sa phone interview, tinuran ni Dr. Dy na sa katunayan ay mahigit 10 taon na ang nasabing unit ng ONP gaya rin sa iba pang DOH hospitals sa buong bansa.
“Ang purpose ng unit na ‘yan is primarily, para sa mga babae at saka sa mga bata na na-abuse kaya ang [pangalan nito ay] protection unit. So, for example, doon sa mga kababaihan, ito ‘yong mga physically abused, mentally abused o sexually abused—doon kini-cater para ma-maintain din ‘yong mga privacy [nila]….,” ani Dr. Dy.
“Alam naman [kasi] natin na sa ganyang situation ay mahihiya ‘yong pasyente na pupunta sa ERs. Sa ospital ‘yan, once na mayroong ma-identify na case na ganyan habang ininterbyu ng doktor ay ma-find out na may ganitong abuse, ‘yan, nire-refer na agad sa WCPU. Ganoon din sa bata—doon sila pinapadala,” dagdag pa niya.
Aniya, may nakatalaga sa WCPU na mga kawaning may sapat na kasanayan. Kadalasan, ito ay social worker, at mga babaeng doktor na OB/GYN, at pediatrician na para naman sa mga bata.
“In principle, nag-o-operate ang WCPU natin 24/7 however, ‘yong mga expert na naka-assign diyan, usually naandiyan during office hours. Mayroong mga coordination kasi na kailangang gawin, and this is possible, most of time during office hours kasi may mga networking na hindi lang dito sa ospital, [kundi] even outside the ospital,” ayon pa sa pinuno ng ONP, ang DOH hospital sa Lalawigan ng Palawan.
Pagkatapos naman umano ng office hours ay may magki-cater ding social worker sa WCPU at mga doktor na bagamat hindi sila na-train partikular sa nasabing unit ay aware sila kung kailangang i-refer sa WCPU ang isang pasyente. Kung emergency ay on-call rin ang mga trained personnel ng nasabing unit.
“We make the necessary referral. Mayroong protocol ang WCPU natin para ma-cater pa rin sila. Gano’n ‘yong general setup natin. We don’t turn away ‘yong mga pasyente na mangangailangan ng WCPU. Parang align din ito doon sa [panukala] ni Vice Mayor na 24/7 na help desk, lalo na sa mga kababaihan,” ani Dr. Dy.
“Ang kailangan lang namin, siyempre, manpower. Ang nangyayari, as of now, multi-tasking ang mga staff natin after office hours. Meaning to say, the social worker na naka-assign sa ER will also handle that, although hindi naman iisa ‘yan, mayroon pang ibang social worker. Ang ideal kasi, mayroon kang sariling taong na 24/7, na dedicated….,” wika niya.
Iyon umano ang pangarap ng pamunuan ng ONP: malagyan ng sapat na bilang ng tao na tututok lamang sa WCPU. Sa ngayon ay wala pa umano silang mailalagay na full time na tao dahil sa human resource requirement sapagkat wala namang plantilla position para roon.
PANAWAGAN NG ONP
Nananawagan naman ang pamunuan ng ONP ng tulong ng mga kinauukulan at iba pang sektor upang maibigay pa ang mas magandang serbisyo sa kababaihan at mga batang biktima ng karahasan gaya na lamang na malagyan ng appropriate resources ang WCPU, kabilang na ang mga akmang personnel.
Umaasa umano si Dr. Dy na magkaroon ng pamamaraan na matugunan ang kinakaharap na hamon, hindi lamang sa pamamagitan nilang nasa ONP kundi sa tulong an rin ng Pamahalaang Panlungsod, o mga NGO partners.
“Ang tugon namin, sinusuportahan naman natin ‘yong ganitong objective in providing na ganitong serbisyo para sa mga kababaihan, doon naka-anchor sa WCPU. And part of the services dapat ‘yan sa ospital,” ani Dr. Dy.
Tiniyak naman ng medical center chief ng ONP na walang dapat ikabahala sa babayaran kapag magpakonsulta sa WCPU, lalo na kung indigent ang pasyente. Tiniyak din niyang mapangangalagaan ang mga impormasyon ng bawat pasyente.
Samantala, noong nakaraang Lunes, Marso 22 ay pasado na sa second reading ng Sangguniang Panlungsod ang nasabing kahilingan ni Bise Mayor Socrates na Sanggunian Draft Resolution (SDR) No. 189A-2021.