Ordinansa sa pagpaparehistro ng lahat na tricycle, aprubado na sa ikalawang pagbasa

File photo

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Aprubado na kahapon sa ikalawang pagbasa sa City Council ang City Ordinance 170-2017 o ang panukalang ordinansa na naglalayong iparehistro ang lahat ng pribadong tricycle dito sa lungsod ng Puerto Princesa maging ito man ay top down o tora-tora.

Layon nito na magkaroon ng database ang lungsod na maaring magamit sa pag-aaral na may kinalaman sa trapiko at iba pang maaring pagagamitan nito.

Ayon kay Kagawad Rolando Amurao ng Committee on Transportation, walang anumang babayaran sa pagpaparehistro ng sasakyan sa City Government. Isasama sa pagkuha ng record ng mga nabanggit na sasakyan ang larawan nito, kulay, litrato ng drayber at may-ari.

Kasama sa dapat na ipatala ang mga tricycle na nanggagaling sa ibang munisipyo at pumapasok sa hurisdiksyon ng lungsod.

Sa mga report na nakalap ng Committee on Transportation, maraming mga tricycle na nanggagaling sa ibang munisipyo na dumarayo sa Puerto Princesa na namamasada at nangongolorum kaya minabuting isama sa ordinansa.

Sa mga may-ari ng pribadong tricycle na top down o tora-tora na hindi susunod ay pagmumultahin ng P500 sa first offense , P1000 sa second offense at P2000 sa third offense.

Samantala, bago pa maaprubahan ang panukalang ordinansa nagpahayag na ng kaniyang hindi pagsang-ayon rito si Kagawad Peter Maristela.

Ayon sa konsehal, maituturing na isang class legislation ito at unlawful dahil hindi pumapasok sa parehong turing sa lahat ng mga sasakyan.

Kinwestyon niya kung bakit sa dami ng mga sasakyan tulad ng mga motorsiklo, van, multicab at iba pa ay mga pribadong tricycle, tora – tora at top down lamang ang nakalagay sa ordinansa kung ang layunin ay kumuha ng bilang at magkakaroon ng database nito bukod pa rito ay ang pagtatakda pa ng penalty sa mga hindi makapagpaparehistro.

Paliwanag naman ni Kagawad Amurao, sa tricyle lamang mayroong regulatory power ang LGU.

Exit mobile version