Outpatient Department ng ONP, muling isasara simula Hunyo 25

Naglabas ng abiso ang pamunuan ng Ospital ng Palawan (ONP) na muli nilang ipasasara ang Outpatient Department (OPD) simula Hunyo 25.

Sa isang Public Advisory No. 4 na inilabas ng ONP ngayong araw, nakasaad na dahil sa patuloy na pagtaas ng kalagayan ng COVID-19 sa Lungsod ng Puerto Princesa at paglaganap nito maging sa mga ospital ay muli nilang isasara ang OPD simula sa Huwebes at ibabalik naman sa normal “kapag maayos na ang lahat.”

“Pansamantala, pinapayuhan ang mahal naming publiko na komunsulta sa pinakamalapit na health center o klinika para sa anumang alalalahaning pangkalusugan,”ang laman pa ng paabiso.

Matatandaang ngayong araw ay inanunsiyo ng City Information Office na nasa ikatlong kaso na ang naitala mula lamang sa Ospital ng Palawan, maliban pa sa naunang limang active COVID-19 cases sa Puerto Princesa o 17 kaso sa kabuuang Lalawigan ng Palawan, kabilang na ang dalawang lumang kaso.

“Yung ibang area will undergo decontamination/disinfection. As precautionary measures, we may limit or closed our OPD,” ang pagkukumpirma naman ni Dr. Melecio Dy, chief of hospital, sa pamamagitan ng text message.

Samantala, ipinabatid din ng OPD na maaari namang tumawag at mag-text ang publiko para sa anumang detalye at katanungan sa kanilang hotline number sa 0927-133-8128.

Exit mobile version