P5,000 Fuel Subsidy, aprubado na ng City Council

Aprubado na ng Sangguniang Panlungsod ang fuel subsidy para sa mga pampublikong sasakyan sa kanilang isinagawang special session nitong Miyerkules, Marso 16.

Kasama ang City Budget Officer, City Planning at Development Coordinator, nais na rin ng punong lungsod na mabigyan ng fuel subsidy ang public utility drivers at operators dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo ngayong linggo.

Sa 1st Supplemental Budget ng City Government ng Puerto Princesa para sa taong 2022, P40,000,000 ang inilaang pondo para sa nasabing subsidy.

Nais ng konseho na bago magsimula ang local campaign period sa Marso 25 ay maibigay na sa mga kuwalipikadong pampublikong  sasakyan ang subsidy na nahahati sa dalawa; P2,500 para sa drivers at P2,500 naman para sa mga operators ng mga qualipikadong sasakyan.

Sa naging panayam ng news team sa traysikel driver na si Alyas Dodoy, para sa kanya malaking tulong ang ibibigay ng City Government na fuel subsidy.

“Sa hirap ng buhay ngayon ma’am at matumal din ang pasada dahil mataas na presyo ng gasolina, ay talagang malaking tulong sa tulad namin na ang hanap-buhay ay pasada lamang sana maibigay na po sa amin,” saad ni Dodoy.

Exit mobile version