Pagbabalik ng lockdown sa Puerto Princesa, hindi kasama sa rekomendasyon ng IATF

Walang magaganap na lockdown sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ang tiniyak ni City Administrator Atty. Arnel Pedrosa sa panayam ng Palawan Daily News matapos ang pagpupulong ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 sa lungsod ngayong araw, June 24.

Ayon kay Pedrosa, hindi kasama ang muling pagsasailalim sa lockdown sa lungsod sa mga rekomendasyon ng IATF kahit pa may tatlong medical staff ng Ospital ng Palawan ang nagpositibo sa COVID-19 at pinaniniwalaang local transmission.

“Meron na [recommendations] pero wala… hindi kasama sa recommendation ‘yung lockdown. Pero except siyempre kung magiging worst ‘yung situation pero hindi pa naman. Contained naman ‘yung mga nag-positive at naka-confine sila sa isang lugar na hindi sila makakahalubilo ng ibang tao,” ani Pedrosa sa panayam ng Palawan Daily News.

Pero sinabi rin ng opisyal na kahit walang lockdown sa Puerto Princesa ay asahan na anya ang muling paghihigpit sa lungsod partikular na sa mga pampublikong sasakyan kung saan kapansin-pansin na halos hindi na sumusunod sa ipinatutupad na social distancing ang marami.

“Talagang dapat 50 percent lang ng maximum capacity ang dapat sakay ng mga PUV natin at dapat na talagang mayroong distancing. Magsisimula nang manghuli ang law enforcement units natin doon sa mga lalabag. Mas maghihigpit narin tayo sa mga checkpoint at mapapansin nila na talagang aktibo nanaman sila unlike before na medyo nagluwag tayo dahil MGCQ na nga sa atin,” dagdag ng opisyal.

Samantala, ang mga rekomendasyon ng IATF ng lungsod ay agad anya nilang ipapadala sa Regional IATF hanggang sa nasyunal para sa pinal na desisyon at konsiderasyon upang maiwasan ang kalituhan.

Exit mobile version