Nanawagan na ang mga vendors ng old at new public market na magdala na ng sariling lalagyan ang mga mamimili lalo na at nagkaroon na ng paghihigpit ang Pamahalaang Panlungsod kaugnay sa Single-Use Plastic.
Sinimulan ang operasyon ng pagkumpiska nitong araw ng Lunes sa dalawang palengke ng lungsod.
Ayon kay Ginang Merlinda na isang tindera, magdala nalang sana ng sariling lalagyan ang mamalengke lalo na ngayon ay naghihigpit na ang City Government.
“Pinagbawalan na po kami gumamit ng plastic bag, kaya sana ‘yung mga namamalengke kung puwede magdala nalang sila ng sariling lalagyan, kasi mahirap na po na baka mamultahan kami,” ayon sakanya.
Maaring pagmultahin ng P1,000 ang sinomang vendors na mahuhuling gumagamit nito sa first offense, P3,000 naman sa second offense at P5,000 para sa third offense at pagkansela ng mayor’s at business permits.
Ito ay ayon sa City Ordinance No. 993 o ang “Single-Use Plastic and Styrofoam Regulation” na noong pang Abril 17, 2020.
Matatandaan na ang ordinansang ito ay iniakda nina City Councilor Roy Gregorio Ventura, City Councilor Nesario Awat, City Councilor Jimmy Carbonell at Vice Mayor Ma. Nancy Socrates.
Ipinagbabawal na ang paggamit ng
mga sumusunod na single-use-plastics:
– Plastic Bags
– Plastic Utensils
– Plastic disposable cups
– Plastic Coffee Stirrers
– Plastic Straws.