Paggastos ng Environmental Fee, inusisa ni Maristela

Puerto Princesa City Hall (Contributed photo)

Kinuwestyon ni City Councilor Peter Maristela sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod ang diumano’y mababang paggastos ng City Government  gamit ang P150.00 na environmental fee na sinisingil sa  bawat turistang bumibisita sa mga tourist destination dito sa Puerto Princesa.

Sa kaniyang privilege speech kanina, sinabi ni Maristela na ayon sa report ng City Treasurer’s Office, as of September 30, ay nasa P166,482,344.25 ang nakolekta subalit ang nagastos ay nasa P25,407,268 pa lang.

Dalawang proyekto lamang umano ang pinaggamitan kung saan ang P407,268 ay ipinambayad sa Vis Solis Philippines at P25 milyon para sa joint Venture sa Puerto Princesa City Water Reclamation and Learning Center.

“Ibig sabihin, kung ang dalawang proyekto pa lamang na ito ang pinondohan ng pondo mula sa Environmental fee, nasa P141,075,076.25 pa ang natitira na pondo nito na unappropriated pa,” giit pa ni Maristela.

Sinabi pa ni Maristela na nangangahulugan lamang na wala pang masasabing konkretong proyekto ang syudad para sa mga turista dahil napakalaki ng pondong hindi nagagamit at ang water waste facility ay hindi pa nasisimulang gawin.

“Ano ba ang dahilan at hindi pa nagagamit ang malaking pondo mula sa environment fee? Problema po natin ang drainage system, maraming mga lugar ang sa Lungsod ang lumulubog sa baha kapag malakas ang ulan.Hindo po ba natin puwede magamit ang pondo nito?” dagdag pa niya.

Maganda raw sana kung makapagpatayo ng proyekto mula dito partikular na sa Sitio Sabang kung saan naroon ang Puerto Princesa Underground River at sa Honday Bay maging sa mga pangunahing tourist destination ng syudad para maipakita sa mga bisita na may pinagagamitan ang kanilang ibinabayad na environmental fee.

Iminungkahi ni Maristela na gamitin ito sa waste segregation project o sa monitoring para masawata ang labis-labis na pagkuha ng aggregate o gravel and sand sa mga ilog at bundok na sakop ng Lungsod.

Ipinaalala niya rin na batay sa City Ordinance number 861 , ang koleksyon mula sa environmental fee ay para sa conservation and protection sa pamamagitan ng mga environmental infrastructure project and related program na irerekomenda ng City Enro.

“Eighty percent  (80%) of the environmental availment fee collections shall be set aside and earmarked and utilized only for purposes of providing environmental infrastructure and programs. Ito ay para sa conservation and protection ng environment. Twenty Percent (20%) shall be set aside amd devoted to finance the collection expenses (MOOE) and administrative personnel services , including the card system to be applied,” sabi pa ni Maristela.

Dahil dito ay hiniling mi Maristela sa konseho na ipatawag sa susunod na sesyon ang City Enro para malaman kung ano na ang ginagawa nito sa environmental fee at para malaman kung may katotohanan na magtatayo ng bagong sanitary land fill ang syudad gamit ang perang ito.

Kasama rin sa ipapatawag ang City Administrator, Citu Budget Officer, City Treasurer at City plannig officer patungkol naman sa waste water treatment facility.

Matatandaang nagpasa si Maristela ng isang resolusyon na humihiling sa Local Finance Committee at sa City Engineering na magsumite ng listahan ng mga proyektong pinondohan gamit ang environmental fee na sinisingil sa mga turista.

Exit mobile version