Nagbabala ang Palawan Council for Sutainable Development (PCSD) sa posibleng epekto ng pagkabit ng ilaw sa Acacia tunnel sa Puerto Princesa.
Kamakailan ay inanunsyo ng Puerto Princesa City Government ang planong paglagay ng LED lights sa mga puno ng Acacia sa nasa 1.1 kilometrong Acacia Tunnel na sakop ng Brgy. Inagawan Sub. Nanggaling ang mga ilaw sa Community Christmas Tree na itanayo nitong Kapaskuhan sa Puerto Princesa City Baywalk.
Ayon sa tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na si Jovic Fabello, posibleng mapinsala ang mga puno ng Acacia na nilagyan ng LED lights dahil mayroon umano itong direct at indirect effect sa mga puno ng acacia.
“Well unang una ay LED light yan tapos mahaba yung kilometrahe na pinaglagyan definitely mayroon yang pinoproduce na heat which yung heat na yun is nakakaapekto rin doon sa leading conditions ng mga Acacia na nandiyan sa tunnel.”
Dagdag pa ni Fabello ang indirect effect naman ng paglalagay ng LED lights ay sa mga hayop na naninirahan o nabubuhay sa puno ng acacia.
“Ang indirect effect natin diyan is yung sa wildlife natin. Yung mga nocturnal o yung mga dayuhan nating wildlife. Mayroon diyang insekto, mayroon din diyan alitaptap, mayroon diyan kung anu-anong mammals o kung ano man. Siyempre pagka maliwanag, hindi na sila pupunta diyan kasi cover nila palagi yung dilim kaya nga ang ugali nila is tuwing gabi lang sila lumalabas kasi yun yung pagkakataon nila na makapag-cover at makapag hunt ng pagkain nila…”
Posible din umanong maging marupok ang puno ng Acacia dahil sa init na dala ng LED lights.
“Well may possibility na ganyan, kasi yung heat, unti-unti ay nasusunog niya yung cambium nung puno? Yung cambium ay yun yung kanyang balat hanggang sa ilalim ng kanyang balat na siya rin nagpapatubo sa kanya o siya rin nagpapalaki sa kanya. So pagka may heat yan unti-unting natutunaw yung mga fluids and may tendency na talagang maging marupok na yung kahoy kasi nga nagkaroon na ng fluid loss so yung consistency nung kahoy ay affected na.”
Ayon naman sa Community Environment and Natural Resources Office na nakakasakop sa Puerto Princesa, hindi umano nila alam na nagkabit ng mga ilaw sa Acacia Tunnel. Ayon naman sa Puerto Princesa City Environment and Natural Resources Office Forest Management Division, wala pa silang assessment sa paglalagay ng LED lights sa Acacia Tunnel.
Umaasa naman ang pamunuan ng PCSD na maayos ang pagkakalagay ng mga ilaw sa puno ng Acacia upang hindi ito mapinsala. Bukod sa dagdag atraksyon, ginhawa din umano ito para sa mga motorista na dadaan sa lugar lalo na pagsapit ng dilim. Nakatakda naman ang switch on ceremony o pagpapailaw nito sa Marso 4 kasabay ng Foundation Day ng lungsod.