Aminado ang pamunuan ng Puerto Princesa City COVID-19 Marshal na hanggang paalala lamang ang kanilang ginagawa sa mga mamamayan na hindi sumusunod sa ipinapatupad na health and safety protocol, kabilang na ang pagsuot ng facemask, face shield at social distancing lalo na sa palengke ng Barangay San Jose.
“Talagang maximum tolerance na lang ginagawa ng ating mga kasamahan, medyo marami rin tayong mga kababayan na pilosopo, siguro hindi pa siya nakakatikim ng COVID-19 at ayaw sana natin na magkaroon siya para malaman niya kung bakit natin ginagawa ‘yung pagpapasuot ng facemask at face shield. Alam natin mahirap na huminga lalo kung mainit ang panahon pero kailangan po nating gawin, magsakripisyo po tayo kaysa naman magkaroon tayo ng sakit o mahawa tayo at makahawa pa sa kapwa natin.” pahayag ni Alfred Sy, Head ng Puerto Princesa City COVID-19 Marshal.
Ayon pa kay Sy, kapansin-pansin ang katigasan ng ulo ng ilang mga manininda at mga mamimili sa palengke at terminal na sakop ng Barangay San Jose kung saan ang naitala ngayon ang pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
“…isa sa malaking problema namin, sa ating mga marshal ‘yung mga nagtitinda po sa ating pamilihan na tinatawagan po natin ng pansin ang pamunuan po ng ating mga public market ng ating terminal na sana po ay pahigpitin po natin ang ating pagbabantay [at] pagpapaalala sa ating mga magtitinda lalo na po doon sa mga namamalengke rin na sana po ay sundin natin, napakasimple lang po,”
Pinaalalahanan nito ang kanyang mga kasamahan na maging mahinahon at iwasan ang makipagtalo sa mga lumalabag sa minimum health standard.
“Ang nasasabi natin sa ating mga COVID Marshal ay ‘isipin na lang natin na tayo ay tumutulong sa kapwa kaya kung medyo hindi na maganda ang salita ay ngitian na lang natin na magandang umaga po maam, magandang umaga sir,’ hindi ito ang panahon na makipag-away tayo, ito po ang panahon para magkaintindihan tayo at magtulungan,”
Napapansin din umano ito ni She, residente sa Barangay Sta. Monica at namamalengke sa Barangay San Jose na mayroong mga nagtitinda sa palengke na animo’y parang walang kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19, dahil sa parang normal lang na hindi magsuot ng facemask ang ilang tao sa lugar.
“Parang normal lang, kahit alam nila na may COVID ‘yung place nila, hindi pa rin sila nagma-mask wala pa ring social distancing. Parang feeling ko kahit sabihin pa natin sa kanila na may COVID kahit gaano pa kalala ang sitwasyon parang umay na sila,”
Ayon naman kay May na taga Barangay San Pedro, sana ay may kasamang pulis ang mga COVID Marshal para makatuwang nila sa pagbabantay sa lugar at sa ganitong paraan ay mas mapadali ang pagpapasunod sa mga ito.
“Kulang kasi ang COVID Marshal, kasi ‘pag dumaan ang COVID Marshal [sumusunod sila] pagnawala na balik [uli sa paglabag], kailangan talaga may naka-strict monitor…dapat maging kasama nila sa pagbabantay ay pulis, kapag naging strict sila matatakot ang tao gano’n naman ‘yun.”