Pagpapaiksi sa curfew sa Puerto Princesa, nagpag-uusapan

Pinag-uusapan na sa ngayon ang posibilidad na maibalik sa dating oras ang curfew sa lungsod ng Puerto Princesa mula sa kasalukuyang 12:00 M.N. hanggang 5:00 A.M. balik sa dating 2:00 A.M. hanggang 5:00 A.M. kahit pa nasa ilalim pa rin ng Modified General Community Quarantine o MGCQ ang siyudad.

Sa panayam ng programang “Chris ng Bayan” sa Palawan Daily Online Radio, sinabi ni City Administrator Atty. Arnel Pedrosa na layunin nitong mabigyan ng mas mahabang oras ang operasyon ng business establishments sa lungsod gayundin ng sapat na oras ang mga empleyado nito.

Sa ganitong paraan anya ay mas marami na ang makakabalik sa trabaho para kumita dahil marami na talaga ang umaaray sa hirap ng buhay sa ngayon lalo pa’t marami rin ang mga negosyong pansamantalang nagsara na siyang dahilan ng pagkawala ng trabaho ng marami.

“Napapag-usapan na ulit ang curfew at hinihintay ko nalang rin ang instruction sa akin ni Mayor [Bayron] pero kasi may move s’ya at baka magkaroon ulit ng change. Baka instead na hanggang 12:00 MN lang ay baka mauwi sa 2:00 AM. Tinitingnan pa natin ang situation,” pahayag ni Atty. Pedrosa sa panayam ng Palawan Daily News.

Paliwanag ng opisyal, sa kasalukuyan kasi ay wala namang local transmission ng COVID-19 at ang tanging nagpo-positibo na lamang ay ang mga umuuwing Locally Stranded Individuals, Returning Overseas Filipinos at Authorized Persons Outside Residence na agad naman anyang ina-isolate at ginagamot sa mga pasilidad.

“Kung titingnan mo kasi ay wala nang community/local transmission dito sa lungsod ng Puerto Princesa at sana nga, talagang wala at ma-control later on. At ang mga nagpa-positive naman ay nanggagaling sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas at hindi dito sa atin nanggaling,” dagdag pa nito.

Pero agad ding nilinaw ni Pedrosa na ito ay napag-uusapan pa lamang kaya wala pang karapatan ang mga negosyante sa lungsod o sinuman na lumabag sa kasalukuyang ipinatutupad na polisiya sa ilalim ng umiiral na MGCQ kung saan kabilang ang lungsod.

“Uulitin ko lang, ito ay napag-uusapan pa lamang at wala pang move na dalhin sa ganung oras. Nasasagi pa lamang ang usapin sa mga pulong dahil kino-consider din natin ang business element o economic element dito sa lungsod. Aminado naman tayo na isa sa makikinabang dito ay ang mga restaurant at bar owners pero may mga nakakausap tayo na may-ari ng mga ganitong negosyo at sinasabi nilang sapat na ang alas dose dahil halos wala ring customers at walang tumatagal hanggang ganung oras. Pero para sa atin, para narin mabigyan ng konting luwag ang kanilang mga empleyado sa pag-uwi after ng operation hours ng kanilang mga businesses,” paala-ala at dagdag na paliwanag ni Pedrosa.

Exit mobile version