Pagsusumite ng entry para sa 28th SEP anniversary, pinalawig pa ng PCSDS

Masayang ibinalita ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa mga Palawenyo na pinalawig pa ng kanilang tanggapan ang deadline ng pagpapadala ng entry para sa kanilang apat na online contests hanggang June 30.

Ayon kay PCSDS Spokesperson Jovic Fabello, pinalawig nila ang deadline ng submission of entries hanggang sa katapusan ng buwang kasalukuyan dahil marami pa ang nagnanais na lumahok na hindi makahahabol kung walang extension ang online activities.

Ang nasabing mga aktibidad na pwedeng salihan ng mga Palawenyo ay ang PCSD Hymn Song Writing Contest, “PALAraWAN” Photography Contest, “MusiKakilasan” Rap Singing and Composition Competition, at Poster- Making Contest.

Ang magwawagi namang komposisyon sa paligsahan sa paggawa ng PCSDS Hymn ang magiging official hymn ng tanggapan. Pagbabasehan nito ang Composition (relevance of lyrics)-50 percent, Originality-10 percent, Musicality-30 percent at Recording Quality-10 percent.

Sa online rap contest naman ay kailangang may kaugnayan ang awitin ng artist sa napili niyang photo montage mula sa koleksyon ng mga larawan na inihanda ng PCSDS na kung saan, sa criteria, ang Content at Online engagements ng kanta ay parehong 30 porsiyento at pareho ring 20 percent ang Creativity at Relevance.

Pagdating sa photo contest na may temang “Time for Nature” at nagpo-promote ng “virtual travel” sa buong Palawan, ang criteria for judging ay 20 percent Quality, 25 percent ang Impact at ang Relevance sa tema sa potograpiya at sa kwento nito, 20 percent ang Creativity, at 10 percent ang Online engagement o ang mga “Likes.” Nahahati naman sa professional at amateur ang kategorya ng nasabing paligsahan sa potograpiya.

At sa Poster Making Contest na ang tema ring “Time for Nature,” ito ay bukas sa mga kabataan at mga estudyanteng Palawenyong nag-e-edad 10-18. Maaari rin silang lumahok bilang indibiduwal, club, class, o grupo na binubuo ng iba’t ibang dami ng bilang ng miyembro.

Makatatanggap naman ng cash prize, token, at plake ang mga magwawagi.

Matatandaang una nang ipinaabot ng tanggapan sa Palawan Daily News (PDN) noong ikalawang linggo ng Hunyo ang hinggil sa mga patimpalak kaugnay sa ika-28 anibersaryo ng SEP Law (RA 7611) o ang “Strategic Environmental Plan (SEP) for Palawan Act” sa June 19 na ngayong taon ay may temang “SEP Turning 28: Blessings, Significance, and Implications.”

Sa mga nagnanais na sumali sa contest, makikita ang mga mechanics at proseso ng pagpaparehistro sa website ng PCSDS sa https://pcsd.gov.ph/igov/sep-turning-28/

Exit mobile version