Nasa 46 na ang kabuuang confirmed Coronavirus disease-2019 (COVID-19) cases sa Lalawigan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa batay sa pinakahuling tala ng mga kinauukulan.
Sa post ng Provincial Information Office (PIO) sa kanilang social media page noong Hulyo 3 ukol sa update sa bilang ng COVID-19, nakasaad na sa summary of cases sa Palawan, 21 ang confirmed cases. Naidagdag naman ang dalawang kumpirmadong kaso sa Bayan ng Roxas at dalawa rin sa Bataraza noong Linggo kaya umakyat ang kabuuang bilang sa 25.
Bumaba naman sa 19 ang aktibong kaso sa Palawan matapos na gumaling ang tatlong pasyente ng COVID-19 sa Sofronio Española at tatlo rin sa Bayan ng Coron.
Habang sa Lungsod ng Puerto Princesa, base sa pinakahuling tala ng City Information Department (CID) noong Hulyo 4, mula sa 21 kabuuang COVID-19 cases ay bumaba sa 16 ang active cases ng siyudad matapos na makarekuber ang apat na pasyente kabilang na ang Australian national. Kasama rin sa ibinawas sa bilang ang yumaong nagpositibong residente ng Brgy. Tanabag.
Ngayong hapon naman, Hulyo 6, ay iniulat ng CID na isa pa ang sa kabutihang-palad ang naka-recover kaya bumaba pa sa 15 ang mga aktibong kaso.
Mula pa rin sa datus ng Tanggapan ng Impormasyon ng siyudad, sa kasalukuyan ay nasa 39 ang naitala nilang suspect cases, dalawa ang naka-admit sa ospital, 52 ang nasa COVID Quarantine Facility at 590 naman sa iba pang quarantine facility ng lungsod.