Dalawang araw na pag-ikot noong Setyembre 12 at 13 sa ilalim ng liderato ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron, anuman ang panahon, upang pangunahan ang groundbreaking ceremonies para sa 19 na proyekto na isasagawa ng “Mega Apuradong Administrasyon” sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Nitong Martes, isa sa mga prayoridad ay ang pagpapatayo ng hanging bridge o tulay para sa mga kababayang katutubo sa Sitio Tagnaya sa Brgy. Concepcion at Sitio Kalakwasan sa Brgy. Tanabag. Layunin nito na mapanatili ang kaligtasan ng mga residente kapag mataas ang tubig sa ilog o mayroong sakuna.
Sinimulan na rin ang konstruksiyon ng gusali para sa Philippine National Police sa Brgy. San Rafael at Brgy. Macarascas na magbibigay seguridad at proteksiyon sa mga mamamayan sa kanilang nasasakupan. Kasama na rin dito ang pagpapagawa ng mga kalsada, parking, sidewalk, at drainage system para sa San Rafael Mini-City Hall.
Isinasaayos na rin ang Cabairan Footbridge sa Brgy. Manalo na magdadala ng malaking ginhawa sa mga residente.
Pagdating naman sa mga kabayanan, inanunsyo ang mga proyekto tulad ng city slaughterhouse drainage outfall sa Brgy. Tagburos, pagsemento ng mga kalsada sa Mangga Road sa Brgy. San Jose, at Paduga Road sa Brgy. Sta. Monica. Kasama rin dito ang pagkumpleto ng Balayong Park Circuit Phase II kasama ang sidewalk at drainage system.
Nito namang Miyerkules, nagpasimula ng Sewerage Treatment Plant o STP ang Brgy. Kamuning na makakatulong sa paglilinis ng tubig mula sa palengke.
Kasabay nito, isinasaayos ang Paglaum to Cemetery Road sa Brgy. Mangingisda; Parallel Road 3 to Purok Kapalaran at Purok Kaunlaran to Katiwasayan sa Brgy. Luzviminda. Magkakaroon rin ng site development sa Luzviminda City Hall.
Sa kabuuan, ang mga proyektong ito ay naglalayong mapabuti ang mga kalsada, kaligtasan, at serbisyong pampubliko sa mga mamamayan ng Puerto Princesa.
Ayon kay Mayor Bayron, ito ay bahagi ng kanilang pagmamahal at suporta para sa lungsod at mga residente nito.