Plastic barrier model para sa mga tricycle, nakatakdang ipresenta sa Committee on Transpo sa susunod na linggo

Photo credits to the owner

Kinumpirma ng chairman ng Committee on Transportation na pagpipilian ng kanilang komite ang mga model ng plastic barrier na ipipresenta ng mga tricycle driver sa kasunod nilang Committee Meeting at Public Hearing.

Sa isang phone interview, tinuran ni Konsehal Jimbo Maristela na pagkatapos ng kanilang pagpupulong kaninang umaga na dinaluhan ng halos lahat ng mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODA) Federation sa Lungsod ng Puerto Princa ay muli itong isasagawa sa susunod na linggo, kasabay ng pagpili nila ng akmang disenyo ng plastic barrier para sa mga traysikel.

“Nagbigay tayo sa kanila ng kunting pambili ng plastic para sila na ang gumawa ng kanya-kanyang design na plastic barrier para sa kanilang tricycle para next Public Hearing ay makikita natin kung ano talaga ‘yong sitwasyon ng mga tricycle na may plastic barrier —kung saan ang magandang gawing modelo, ‘yon ang gagayahin natin,” ani Maristela.

Aniya, isa sa mga miyembro ng Committee on Transportation ay nagbigay din ng kanyang suhestyon na sapat na ang harang sa side car o sa pagitan lamang ng drayber at mga pasahero ngunit naisip umano ng Konsehal na baka makwestyon ito ng DOTr kaya muli nila itong masinsinang tatalakayin sa susunod na Huwebes.

Para naman kay Maristela, kung siya ang tatanungin ay mainam na lagyan ng harang ang bahagi ng passenger seat at maging sa pagitan ng drayber at backrider.

“Napansin din natin na talagang kailangan na. Marami na ring nagrereklamong mga commuter na nabibigatan na sa P20, then na-observe din natin na marami na ring mga tricycle driver na hindi sumusunod na [dapat] isa lang ang pasahero and at the same time, naglabas na rin ng order ‘yong DOTr na allowed na rin sa mga jeepneys and multicabs na pwede nang magdikit-dikit sa upuan [ang mga pasahero]; provided na may plastic barriers. Kaya lang, wala pa silang inilalabas patungkol sa tricycle, kaya i-adopt na lang natin ‘yong dati nilang nilabas para sa mga jeepneys,” aniya.

Sa kabilang dako, ang nasabing Public Consultation ay may kaugnayan sa isinusulong ngayong panukalang ordinansa ni Kgd. Maristela na pag-aalis na sa special rate ng mga tricycle na ipinatupad sa kasagsagan noon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kalakhang Luzon dulot ng COVID-19 Pandemic. Sa ilalim ng special rate sa pamamagitan ng inaprubahan noong Ordinance No. 1052, nagbabayad ng P20 minimum fare ang isang mananakay kumpara noon na P10 lamang, dulot na rin sa umiiral na social distancing na naging dahilan kaya isang pasahero lamang ang pinapasakay sa isang traysikel.

Ayon sa may-akda ng proposed ordinance, kapag naaprubahan na ito, ang sinumang lalabag na driver at operator na nag-over-charge ng pasahe ay pagmumultahin ng P500, P1000, at P1,500, para sa una, ikalawa at ikatlong paglabag.

“Ngayon, ibabalik natin sa P10 [ang minimum fare] kasabay ng pagpayag natin sa kanila na magsakay ng more than one, at least four, provided na ang health protocol ay maaayos din natin, susunod tayo,” aniya. “Ang definition kasi doon sa ating traffic Code ay apat ang passengers kaya i-adopt lang natin.”

WALANG PAGTUTOL?
Ani Maristela, walang pagtutol sa pagpapanumbalik sa dating pasahe sa traysikel bagkus ay ito pa aniya ang gusto ng TODA Federation dahil apektado rin sila.
“Gusto na rin nilang maibaba kasi ang mga pasahero, lalo na sa ibang [barangay], halimbawa Irawan, Sicsican, mas pinipiling sumakay sa multicab kasi P10 [lang], sa kanila P20. Kaya gusto na rin nilang maibaba at ma-allow na rin silang makasakay ng marami,” aniya.

OVER CHARGING
“Yong over-charging, pag-uusapan namin nang husto sa next public hearing pa kasi dati may resolution na kami sa Traffic Management na i-intensify ‘yong paghuli; magkaroon ng info dissemination campaign parang hotline kaya pag-usapan namin uli para mas maging effective. Marami na rin nakasuhan na nahuli ng Traffic Management para maging intensive,”

LAMAN NG DRAFT NA ORDINANSA
Sa isinagawang ika-48 Cabinet Meeting noong Oct. 12, 2020 ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang taasan ang public transport capacity bilang bahagi ng pagbabalik ng sigla ng ekonomiya at mai-update ang health standard at best practices sa mga PUV.
Nag-ugat ito sa pagpapalabas ng Memorandum Circular No. 2020-061 ng Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Oct. 15, 2020 na nagpapahintulot sa mga pasahero na magtabi-tabi at kailangan lamang na may plastic barrier sa pagitan nila at nag-aatas din ng updated protocol requirement para sa public utility vehicles (PUV).

Ito ang naging batayan ng chairman ng Committee on Transportation na bawiin na ang special rate sa mga tricycle at ibalik na ang orihinal na “Rates of Fares” na base sa Ordinance No. 256, ang minimum fare ay P10 para sa unang dalawang kilometro at P1.50 naman sa kasunod na kilometro.

Isa rin sa mga kinunsidera ni Maristela ay ang kamakailang pagbubukas ng turismo ng lungsod na ang isa sa mga may malaking papel na ginagampanan ay ang sektor ng transportasyon.

BILANG NG TAO SA LOOB NG TRICYCLE
Sa draft pa ng panukalang ordinansa ni Maristela, batay sa City Ordinance No. 253 o ang “Traffic Management Code,” pwedeng magsakay ang mga traysikel ng hanggang apat na pasahero ngunit ngayong pandemic, kailangang may harang na plastic sa pagitan ng mga nakasakay habang ang mga drayber at mga operator naman ay dapat iobserba ang palagiang paglilinis at pag-disinfect ng kanilang mga sasakyan, ‘pag siguro na ang mga sasakay ay nakasuot ng facemask at face shield, ipagbabawal sa sinuman na kumain sa loob ng traysikel, pagtiyak ng proper ventilation, hindi papasakayin ang sinumang kinakitaan ng sintomas ng COVID-19 gaya ng pag-ubo at mataas na temperatura.

Exit mobile version