Itinuturing na lubhang magandang simula ang pagbubukas kahapon ng Martes, Marso 14, ang opisina ng Polish Consulate na matatagpuan sa ikalawang palapag ng True Care Building, Solid Road, Barangay San Manuel, lungsod ng Puerto Princesa.
Ang okasyon ay pinangunahan ni Jaroslaw Szczepankiewics, Charge D’ Affaires A.I. Dumalo rin sa inagurasyon sina Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates, 3rd District Congressman Edward S. Hagedorn, kinatawan naman ni City Administrator Atty. Arnel Pedrosa si Mayor Lucilo Bayron, Vice Mayor Nancy Socrates, at Palawan Provincial PNP Director Adonis Guzman.
Matatandaang bago lumaganap ang pandemyang COVID- 19, isa ang bansang Poland sa pinakamaraming bilang ng turista na bumisita sa lalawigan at lungsod na nakapagtala ng bilang na 6,463 taong 2019 , batay sa ulat ng Provincial Tourism Office (PTO) ng Palawan.
Binigyang pagpapasalamat ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagkakaroon ng konsulado, at inaasahang ito ay simula lamang ng mas malawak na ugnayan ng dalawang bansa.
Ang tanggapan ng konsulado ay personal namang pamamahalaan ni Honorary Consul Juan Andre Lacson.