PPCPO, nakapagtala ng mahigit 100 kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata

Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Kababaihan, ibinahagi ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang datos simula 2020 na may kaugnayan sa mga karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata.

Sa mga paglabag sa RA 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” sa kabuuang 70 kaso, 59 dito ay nangyari noong 2020 habang ang 11 ay simula Enero hanggang Marso ngayong taon.

Pagdating naman sa RA 7610 o ang

“Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,” nasa 33 kaso ang naitala noong nakaraang taon habang lima (5) naman ngayong 2021.

Ayon kay PMaj. Mhardie Azares, chief ng City Community and Development Unit (CCADU) o ang dating Police Community Relations (PCR) at ng Public Information Office (PIO) ng City PNP, ito ang naitala nilang consolidated data ng Police Station 1 at Police Station 2 ng PPCPO.

Aniya, karamihan sa mga kaso ay naihain na rin sa korte para sa akmang hatol.

Ipinaabot naman ng opisyal sa mga kababaihan at kabataan na naging biktima ng karahasan at pang-aabuso na huwag mag-atubiling lumapit sa pulisya upang mabigyan sila ng tulong at maisagawa ang karampatang ligal na aksyon.

“Lagi po nating tatandaan na walang sinumang may karapatang saktan ang mga kababaihan at kabataan. Narito kami upang kayo ay tulungan at ibigay ang hustisyang nararapat para sa inyo. Babae at kabataan ay may mga karapatan, kaya ‘wag natin silang saktan,” ayon pa kay PMaj. Azares.

Samantala, tema ng pagdiriwang ngayong taon ng National Women’s Month ay “Juana Laban sa Pandemya, Kaya!”

Exit mobile version