Duda umano ang ilang konsehal ng Puerto Princesa sa kakayahan ng GSMAXX Construction na gawin at tapusin ang lahat ng proyektong kanilang nakuha sa takdang oras. Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, may mga proyekto silang hindi pa nasimulan at may ilan din na hindi pa natatapos.
Ayon kay Konsehal Elgin Robert Damasco, dapat ay sapat ang mga heavy equipment ng isang private contractor kapag malakihan ang proyekto.
“Mayroon daw naman sila mga heavy equipment pero karamihan ay niri-rentahan lang nila. Pero kung ganyan na kalaki ang mga proyekto na hinahawakan nila ay dapat mayroon na sila mga sariling mga heavy equipment.”
Dagdag pa ng Konsehal, nais nilang malaman kung bakit hindi pa nasisimulan ang ilang mga proyekto na hawak ng kompanyang GSMAXX Construction.
“Nakatanggap tayo ng official report from the City Engineering Office (CEO) kung ano ang status ng mga proyekto na kanila pong napanalunan. Mayroon nga po na ilan doon na magta-tatlong (3) buwan na, hindi pa nasisimulan. Gusto natin malaman ano ang dahilan?”
Samantala kaya lamang umano ganito kainit ang Sanggunian Panlungsod sa kompanyang GSMAXX Construction ay sa kadahilanang pera ng taong bayan ang ginagamit sa mga proyekto. At inaasahan naman na sa mga susunod na session ay dadalo na umano ang representante ng kumpanya upang marinig ang kanilang paliwanag.