Puerto Princesa City, magsasagawa ng ‘Dry Run’ para sa pagbabakuna kontra COVID-19

Patuloy na pinaghahandaan ng Puerto Princesa City Government ang nakatakdang pagbabakuna kontra COVID-19. Maliban sa pagbili ng COVID-19 vaccine, magsasagawa rin ng ‘simulation’ sa magiging proseso ng pagbabakuna kontra COVID-19.

“This coming Saturday, magkakaroon kami ng dry run ng vaccination implementation [kasi] baka may mga kailangang i-correct [at] may kailangang baguhin yung mga ganun. So kailangang maka-dry run tayo kahit papaano [ay] masubukan natin kung yung dinesign namin na flow ay magiging maayos yung pag-deliver.” Ayon kay City Health Officer at Chairman ng Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council Dr Ricardo Panganiban.

Kailangan umano ng simulation dahil ang COVID-19 vaccine ay hindi tulad ng ibang mga bakuna na mabilis lamang naibibigay sa mga mamamayan.

“Balak naman namin mag-simulate pa kung paano kasi ibibigay. Parang nakikita namin doon sa aming orientation last week, mabagal siya. Sinubukan nila [ng National Government] kung susundin yung proseso nung guidelines kung paano gagawin yung vaccination mismo. Tapos nasa 30 minutes to 1 hour ang isang tao. Marami kasi dadaanan, maraming kailangang gawin. Hindi siya yung regular na bakuna na dati na nating ginagawa [at] madali lang.”

Aniya ang gagawing ‘dry run’ ay upang malaman kung matagal talaga ang magiging proseso dahil may ilang mga hakbang na mangyayari bago mabakunahan ang isang indibidwal.

“Yun nga po yung tinitingnan namin na kung talagang ganun talaga. Tingin ko talaga matagal, kasi parang may registration. Hindi kasi siya yung parang lista-lista lang then ‘bira’ na hindi po ganun eh. Hindi po siya ganun. May registration, may assessment, may konting interview at may IEC. Kami-kami lang po yung mga taga-City Health mostly [ang magiging subjects ng dry run pero] may mga ilang mga health workers diyan sa BHW parang mga ganun.”

Samantala, kahapon, Pebrero 5, nagkaroon na ng orientation ang mga barangay health workers ukol sa information dissemination ng COVID-19 vaccine nang sa ganun ay masagot ang mga katanungan ng publiko at mahikayat ang mga ito na magpabakuna.

Exit mobile version