Kasabay ng Labor Day, isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) status ang Lungsod ng Puerto Princesa City at magtatagal ito sa buong buwan ng Mayo.
Sa COVID-19 Update ng City Government kahapon, ipinaalala ni City Legal Officer at Local IATF Spokesperson Norman Yap may mga paghihigpit na ipatutupad kaugnay ng GCQ status. Inaasahan na ngayong Sabado ng hapon, May 1, ay ilalabas ng Pamahalaang Panlungsod ang “simplified guidelines”.
Aniya, ang GCQ ay mas mataas ng isang hakbang ng risk qualification kumpara sa MGCQ na ipinatupad sa Puerto Princesa simula noong 2020 hanggang Abril 2021.
Muling sinariwa ni Yap sa publiko na ang GCQ ay mas maluwag kumpara sa MECQ na hiniling ng City Government para sa Puerto Princesa City ngunit hindi pinagbigyan ng NIATF.
EPEKTO NG GCQ STATUS SA GALAW NG TAO
“Sa GCQ, ang gathering sa labas ng bahay ay mahigpit na ipinagbabawal hangga’t hindi pinapayagan doon sa [National] Omnibus Guidelines,” ayon sa tagapagsalita ng LIATF ukol sa galaw ng tao.
Aniya, sa ilalim ng General Rule, ang pagtitipon sa labas ng bahay ay ipinagbabawal. Bawal din ang pagtitipon kahit sa loob ng bahay kung ang mga makakasama naman ay hindi orihinal na nakatira roon at inihalimbawa ay pagsasagawa ng mga party o pagdiriwang at may mga inimbitahang bisita.
Dahil dito, bawal muna sa ngayon ang pagsasagawa ng party, reunion, convention, exhibit, conference, wedding reception at mga kahalintulad nito.
MGA URI NG PAGTITIPON NA PINAPAYAGAN
Ang mga pinapayagan namang mga “gathering” ay kung kukuha ng health services gaya ng bakuna, pipila upang kukuha drug test upang makakuha ng lisensiya, pipila upang kumuha ng medical exam upang makapasok ng trabaho, at pipila o may isang pagtitipon upang kumuha ng anumang government services gaya ng pagkuha ng permit.
RELIGIOUS GATHERINGS
Aniya, ang standard ay 30% capacity lamang sa total venue capacity para sa religious gatherings. Puwede naman umanong iakyat ito sa 50 percent kung papayagan ng lokal na pamahalaan ngunit sa ngayon ay wala pang desisyon kaugnay nito.
Sa funeral at necrological services at mga kahalintulad nito ay 30% lamang din ang dami ng mga taong dadalo. Sa pagbisita naman sa memorial park at iba pang libingan ay hindi dapat hihigit pa sa 10 katao ang kada batch at 30% capacity lang din ang dapat naroroon sa lugar.
Pinapayagan din aniya ang kasal ngayong Mayo dahil maibibilang ito sa religious gatherings ngunit sa wedding reception, para sa City Legal Officer ay hindi ito pwede dahil maihahanay na ito sa “gatherings outside residence.” Ngunit tingnan na lamang umano kung ano ang kautusang ilalabas dito ng LIATF.
SPORTS
Pagdating naman sa sports, pinapayagan naman ang outdoor-non-contact sports kagaya ng biking, walking, jogging, shooting, swimming, at diving. Hindi lamang pwede kung may mga spectator at hindi rin pwede ang makihiram ng mga kagamitan.
PUBLIC TRANSPORATION
Sa ilalim ng GCQ ay pinapayagang mag-operate ang public transportation sector. Ngunit kailangan lamang na mahigpit na sundin ang mga protocol na inilatag ng Department of Transportation (DOTr).
Sa Public vehicle, gaya ng dati ay dapat 50 percent lamang ang total seating capacity ngunit sa tricycle ay hindi dapat lalagpas sa isang pasahero ang sakay habang ang back riding ay hindi rin pinapayagan.
‘UNHAMPERED’
Patuloy namang hindi apektado ang pagdating ng mga cargo, logistics, at supply chain.
MGA ESTABLISYIMENTONG NAG-O-OPERATE SA SIYUDAD
Ani Yap, pagdating sa mga establisyimentong nasa lungsod, ipinaalam niyang ang lahat ng government offices ay fully operational sa ilalim ng GCQ classification.
Ang minimum namang bilang ng onsite workforce ay 30 percent minimum ngunit depende umano kung patataasan ito ng head ng agency hanggang full-site capacity.
HOTEL, PENSION HOUSES, ATBP.
Pinapagayan ding mag-operate ang mga hotel, pension house at mga accommodation establishments na may mga DOT accreditation to operate ngayong pandemic, lalo na kung gagamiting quarantine facility ng LGU.
MGA ESTABLISYIMENTONG HINDI PWEDENG MAGBUKAS
May ipinakita rin ang tagapagsalita ng IATF sa nasabing COVID-19 update kahapon ukol sa mga establisyimentong hindi pwedeng magbukas ngayong GCQ. Aniya, kapag wala sila roon sa listahan ay nangangahulugang allowed silang mag-operate bagamat hanggang 50% capacity lamang. Maliban na lamang umano kung kasama sila sa DTI negative list na nangangahulugang hindi sila maaaring magbukas.
Ayon sa opisyal, ang mga ito ay ang entertainment venues na may live performers gaya ng mga karaoke bars, bars, clubs, concert halls, theaters, at cinemas at ang recreational venue na katulad ng mga internet cafes, billiards halls, amusement arcades, bowling alleys, at iba pang kahalintulad na lugar.
Bawal ding mag-operate ang amusement parks o themed parks, fair/peryas, kids amusement industries tulad ng mga playground, playroom at kiddie rides.
Hindi rin pinapayagan ang mga casino, horse racing, cockfighting at mga sabungan, lottery at betting shop at maging ang iba pang gaming establishment, maliban na lamang kung pinapayagan ng pamahalaan dahil may buwis.
TRAVEL BAN
Ayon pa sa tagapagsalita ng LIATF, tatagal pa hanggang May 6 ang travel ban ng lungsod para sa flight at sea voyages mula sa NCR bubble.
Pagdating naman sa Inter-municipality travel, ngayong GCQ ay allowed ang “travel for leisure” dahil hindi isinara ang tourist spots sa GCQ areas, hindi gaya sa MECQ.
Ngunit aasahan umanong paiigtingin ang protocol sa mga susunod na araw o linggo at posiblng i-mobilize ulit ang land border control, gaya ng posibleng hihingian ng QR code ang lahat ng papasok at mga lalabas sa siyudad nang mapadali aniya ng contact tracing.
IPIPILIT PA BA ANG GCQ?
Sa kabilang dako, ipinaliwanag naman ng City Legal Officer na sa katanungang ipipilit ba ng Puerto Princesa ang kahilingang iakyat ang lungsod sa MECQ, sinabi niyang sa ngayon ay hindi na muna.
“Sa puntong ito, hindi tayo magmo-motion for reconsideration kasi ‘yong appeal na-file natin [noong Abril 29] ay nailatag na natin ang lahat ng current na data. Naibigay na natin sa National IATF ang lahat ng pertinent at current data para sana mailagay tayo sa MECQ pero ang determination ng National IATF, mukhang hindi pa raw tayo qualified sa MECQ kaya inihanay tayo sa General Community Quarantine,” ani Yap.
“Pero kung mag-worsen ‘yong data, [kung] maging malala ‘yong situation natin, babalik tayo sa National IATF at doon lang tayo hihingi ulit na kung pwede iakyat ng isa pang level [ang status ng siyudad], ang MECQ,” dagdag pa ng opisyal.