Puerto Princesa City Water District, siniguro ang kalinisan ng tubig na sinusuplay sa mga konsyumer

Muling siniguro ng Puerto Princesa City Water District (PPCWD) ang kalinisan ng tubig na sinusuplay nito sa mga konsyumer matapos ang naging pagbisita ng mga lokal na mamamahayag sa mga water treatment facility ng ahensya nitong Marso 19.

Sa naging pagbisita, ipinakita at ipinaliwanag ni Senior Water Utilities Development Officer, Engr. Noel Cachuela, ang proseso ng treatment na isinasagawa ng PPCWD upang matiyak na malinis at sapat ang suplay ng tubig bago ito makarating sa mga linya ng konsyumer.

Kabilang sa mga pinuntahan ay ang Sta. Lucia Water Treatment Facility kung saan ipinasilip ang mga supistikadong makina at teknolohiya na ginagamit ng ahensya sa pagsasala at pagsisiguro ng kalidad ng inuming tubig. Ang Malinao river naman na may kakayahang mag suplay ng mahigit 21,000 cubic meter kada buwan sa tatlong barangay ng lungsod, kabilang na ang Luzviminda, at Mangingisda, ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng naturang pasilidad.

Sa kabilang banda, binisita rin ang Montible Teruvian Facility na ginagamit lamang ng ahensya tuwing buwan ng tag-init o summer season bilang pangunahing suplay ng patubig. Halos nasa forty hanggang fifty (40-50) porsyento ng konsyumer sa lungsod ang sinusuplayan ng Lapu-Lapu treatment plant galing sa Montible river.

Sa ngayon, nananatiling sapat ang suplay mula sa mga pangunahing ilog na pinagkukunan ng ahensya para sa darating na drought season o ‘yung panahon na kaunti ang suplay sa ilog. Bagama’t inaasahan na magtatagal ang tag-init hanggang buwan ng Hunyo, sinuguro pa rin ng PPCWD na aabot ito at hindi magkukulang hanggang matapos ang season.

Samantala, ang pagbisita ay bahagi rin ng papalapit na pagdiriwang ng World Water Day sa Marso 22.
Exit mobile version