62 anyos na babae, sugatan matapos ma-hit-and-run

Photo courtesy of Eric Orehuela Diola

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Sugatan ang isang 62 taong gulang na babae matapos ma-hit-and-run, 8:00 p.m. kagabi, August 26, sa kahabaan ng Baltan St., Bgy San Miguel.

Ayon sa ulat mula sa Ospital Ng Palawan (ONP), nakilala ang biktima na si Virginia Damaslog, isang negosyante mula sa Cavite.

Naglalakad umano ang ginang pauwi ng kanyang boarding house nang mabundol ng humaharurot na motorsiklo, ngunit hindi nakilala o natandaan ang plaka ng suspek dahil mabilis ang pag-alis nito matapos ang aksidente.

Naiwang nakahandusay ang biktima sa gitna ng kalsada at mga concerned citizen na lang ang humingi ng tulong upang agad na magamot ang ginang.

Sa ngayon, ay nananatili sa ONP ang biktima dahil sa natamong sugat sa ulo at likod nito.

Kaugnay nito ay patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng City PNP PS1 (police station 1) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng motoristang nakabunggo.

Exit mobile version