Nakapagtala ng 528 na kaso ng dengue ang Department of Health (DOH) CHD-MIMAROPA sa rehiyon magmula noong Enero hanggang nitong ika-13 ng Mayo, ayon kay Al-Patrick DC. Aquino na Program Manager ng Center for Health Development (CHD) para sa MIMAROPA.
Sa virtual press conference na isinagawa kaninang 1:30 PM, sinabi ni Aquino na ang Palawan ay nagkaroon ng 204 na dengue.
Narra ang may pinakamataas na kontribusyon sa bilang ng 52 na kaso, sumunod ang Puerto Princesa na nagkaroon ng 34 na kaso at isa rito ang namatay.
Sumunod naman sa bilang ang Bataraza (34), Roxas (29), Quezon (21), San Vicente (10), Taytay (7), Brooke’s Point (3), Aborlan (2), Busuanga (2), Dumaran (2), El Nido (2), Rizal (2), Coron (1), Culion (1), at sa Magsaysay (1).
Ayon kay Aquino, hindi raw dapat balewalain ang pagtaas ng mga kaso ng dengue lalo na sa ngayong panahon ng tag-ulan.
“Ang dengue ay may cycle–minsan tataas, minsan bababa,” saad ni Aquino, kung saan nabanggit ring noong ika-16 ay may 16 pang active cases ng dengue sa rehiyon.
Kung ikukumpara naman daw ang mga kaso ng dengue ngayong taon at sa 2021, ay di hamak na bumaba ito ng 6.05% kaysa sa naitalang 562 cases noong nakaraang taon.
“Ang inyong regional office ay naglabas agad tayo ng Dengue Advisory No. 1 dated April 19, 2022, kung saan nga po hinihikayat na natin ang cooperation ng ating mga partners sa mga probinsya nai-intensify po nila ang kanilang mga advocacies at i-implement na po natin ang ating DOH strategy laban sa Dengue,” saad nito.
“Naglabas rin po tayo ng ating kautusan sa ating mga HRIH or Human Resource for Health. Naintensify rin po ang kanilang Dengue advocacies sa kanilang lugar. Ito po ang ating tinatawag na ‘Enhanced 4S Kontra-Dengue’,” pahayag nito.
Pinaalalahanan ni Aquino na marapat suyurin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok sa bakuran katulad ng paso, alulod, lumang bote, buho ng kawayan, bao, gulong, kanal, o bakanteng lote.
Pangalawa sa 4S ay ang pagpoprotekta sa sarili laban sa mga lamok sa mapapagitan ng pagpahid ng FDA approved mosquito repellent para maiwasan ang paglapit ng lamok, ang pagsuot ng damit na may mahabang manggas at laylayan, pati na rin ang paggamit ng kulambo sa tuwing matutulog, at kung posible ay maglagay na rin ng screen sa pinto at bintana upang hindi makapasok ang insekto na may dalang Dengue.