Napagkasunduan sa pagpupulong ng Puerto Princesa IATF kahapon na payagan na rin ang indoor dine-in sa lungsod ngayong MECQ.
Sa live press briefing kahapon, inanunsiyo ng tagapagsalita ng LIATF at kasalukuyang City Legal Officer na si Norman Yap na papayagan na ang indoor dine-in hanggan sa 10% seating capacity, alinsunod sa DTI Memorandum Circular No. 21-19, s. 2021. Inihalimbawa ni Yap na kapag may 10 mesa ang partikular na restaurant o kahalintulad na establisyimento ay isang mesa lamang ang pwedeng puwestuhan.
Kalakip din sa requirement na payagang magbukas ang isang restaurant ay ang pagkakaroon ng establisyimento ng Staysafe Digital Log book at ire-require ang lahat ng dine-in customer na mag-log in sa StaySafe App, ang official contact tracing app ng bansang Pilipinas.
Sa mga katanungan naman kung paano ang mga taong walang smartphones, tinuran ni Yap na pwedeng pumunta sa kani-kanilang barangay upang humingi ng QR Code at iyon naman ang i-scan ng isang establisyimento.
Samantala, ang dine in at ang travel ban ang dalawang usapin na tinalakay sa IATF meeting kahapon.