Target na magkaroon ng sariling oil depot at gas station ang Lokal na Pamahalaan dito sa Lungsod ng Puerto Princesa upang makasali sa kompetisyon sa bentahan ng produktong petrolyo sa lungsod nang sa ganun ay masolusyuan ang mataas na presyo nito. Ito ang naging pahayag ng may akda ng resolusyon na si City Councilor Elgin Damasco.
“…gusto rin po ni Mayor [Lucilo Bayron] ‘yung ganun na solusyon dahil siya rin mismo ilang beses na rin siyang nakiusap pero nagbibingi-bingihan lang daw’ yung ilang mga oil players natin [dito sa Lungsod ng Puerto Princesa]. Minsan napakiusapan [at] nagbaba ng rate ng dalawang (2) Piso [pero] noong wala nang tumutok [ay] nagbalik taas na naman [ang gasolina at krudo]. So nadidismaya na rin pati ‘yung ating alkalde tungkol sa bagay na ‘yan [presyo ng produktong pangpetrolyo] kaya siya na mismo suportado niya’ yung ating panukala [na magkaroon ng sariling oil depot at gas station],” pahayag ni Konsehal Damasco.
Kwinestyon rin ng konsehal kung bakit mataas ang presyo ng gasolina at krudo kung ang landed cost ng mga produktong petrolyo ay Php 22.00 lamang, ayon sa Department of Energy (DOE), at ang bentahan nito sa merkado ay doble habang sa ibang munisipyo tulad ng Taytay at Roxas ay mas mura ang presyo kumpara dito sa Lungsod kung saan sila umaangkat ng mga produktong ito.
“Alam mo ba [na] ang landed cost ng krudo [at] gasolina rito sa [Lungsod ng] Puerto Princesa ayon doon sa Department of Energy? Umaabot lamang ng 22 Pesos [ang] landed cost [nitong mga produkto]…kwentahin mo from 22.00 Pesos to 58-59.00 Pesos na presyo sa gasolina, magkano ‘yung tinubo nila?…Ang gasolina po…sa Roxas at Taytay [ay] mas mura sila ng 5 Piso mahigit sa kanilang binebentang krudo roon samantalang ang binebenta nilang petroleum products ay nang gagaling pa sa Lungsod ng Puerto Princesa…pero bakit mas mura sila doon kesa sa Lungsod ng Puerto Princesa?” karagdagang pahayag ng konsehal.
Dahil umano sa Republic Act 8479 o tinatawag na ‘Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998’ ay nakatali ang kamay ng pamahalaan sa mga nais na presyo ng mga kompanya ng langis at hindi maaaring kontrolin o i-regulate ang presyo ng kanilang produktong petrolyo.
“Dahil nga may Oil Deregulation Law [tayo], walang karapatan ang National Government maging ang Local Government na i-regulate ang presyo ng oil products sa buong Pilipinas dahil National Law ‘yan…Kaya naisip ko po na [ang] solusyon dyan dahil ilang beses na rin po tayong nakikiusap dyan sa kanila [na mga Petroleum Companies na] maawa naman sila sa ating mga kababayan lalong lalo na ngayon nahaharap tayo sa pandemya pero tila wala pong awa na nakikita natin [at] walang konsensya kaya ang panukala po natin naaprubahan na sa Sangguniang Panglungsod kahapon [Lunes, Disyembre 14] na pag-aralan ng City Government na magtayo ng sariling gas station [at] ng oil depot at magbenta sa ating mga kababayan ng sariling mga petroleum products na mas mura,” ani Damasco.