Panukalang ordinansa na magbibigay diskwento sa mga negosyante sa lungsod, hindi na itinuloy ng Konseho

Hindi na inaprubahan ng City Council ang  isang panukalang ordinansa na layong magbigay ng diskwento sa aplikasyon sa mayor’s permit at real property taxes ng mga business operator at business establishment sa lungsod sa loob ng tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito ang nakayarian ng Konseho matapos magkaroon ng magkaibang pananaw ang ilang miyembro ng City Council at ang Tanggapan ng Ingat-yaman ng siyudad.

Ayon sa chairman ng Committee on Ways and Means na si Kgd. Roy Ventura na nag-ulat sa napag-usapan ng komite noong Agosto 26, mariing tinutulan  ni City Treasurer Ma. Corazon Abayari  ang panukalang ordinansa na inihain ni Kgd. Nesario Awat at nakalatag na sa ikalawang pagbasa, dahil sa may existing na rin umanong ibinibigay na diskwento sa kasalukuyan kung maagang magbabayad ng buwis ang isang negosyante. Tinatayang mawawala ang humigit-kumulang P18 milyong kita ng siyudad, maliban pa sa P200 milyong mababawas din sa income, kapag itinuloy ang nasabing hakbangin.

Sa panig naman ng Sangguniang Panlungsod, di rin sang-ayon si Kgd. Herbert Dilig sa pagbibigay pa ng  diskwento sa mga negosyante dahil mayroon na rin aniyang kasalukuyang 20 percent discount kapag  nagbayad ng buwis para sa susunod na taon bago magtapos ang Disyembre at ten percent discount sa advance na pagbabayad para  sa kasunod na quarter, gaya ng punto ng Treasurer’s Office.

Aniya, kailangang ibalanse ang lahat lalo pa na nakaasa ang gobyerno sa buwis sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan at iginiit na ang lubos na naapektuhan sa krisis ngayon ay ang mga simpleng mamamayan.

Dahil dito ay “nai-kept on File” na lamang ang nasabing hakbangin na kung inaprubahan ay magsisimula sana sa Enero 1, 2021  hanggang Disyembre 31, 2023 na kung saan, magbibigay ng ten percent para sa unang taon at five percent sa ikalawa at ikatlong taon.

Unang inirekomenda ni Kgd.Jimbo  Maristela, isa sa mga sumusporta sa pag-aapruba ng panukalang ordinansa,  na i-recommit ang usapin sa Committee on Ways and Means ngunit matapos na saglit na mag-recess at mag-usap ang Konseho, napagkasunduan nilang ilagay na lamang ito sa archive ng siyudad.

Exit mobile version