Ang usapin ukol sa Harmful Algal Blooms (HABs) o red tide ang pokus ng isinasagawang international scientific conference sa lungsod ng Puerto Princesa na nagsimula ngayong araw at magtatagal hanggang Disyembre 13.
Bumisita kahapon sa Sangguniang Panlalawigan, bagamat walang quorum para sa regular na sesyon, ang mga organizer ng 11th East HAB at 4th Philippine HAB Symposium and Conference na mula sa University of the Philippines-Marine Science Institute (UPMSI) at National Academy for Science and Technology (NAST) at nagbigay ng paunang impormasyon tungkol sa tatlong araw nilang aktibidad.
Lubos na pinasalamatan ni Dr. Deo Florence Onda ng UPMSI ang mga miyembro ng Junta Probinsyal, kung saan si Board Member Sharon Abiog-Onda ay nagkataong kanyang hipag, at nag-imbita sa mga Palawenyo na makilahok sa symposium at kumperensiya na tatalakay sa napapanahong isyu ng red tide na nararanasan pa rin ng siyudad at ng iba pang lugar sa bansa.
“The objective of the scientific conference is to talk about the scientific endeavors on how we can help the locality, [the City of] Puerto Princesa, and the other places [in the country] that are infested or contaminated by HABS,” pahayag ni Dr. Onda.
Aniya, dumating na rin ang mga kalahok mula sa mga bansang nasa East Asia gaya ng Japan, China, at Korea; ang iba pang mga kalahok na bansa sa rehiyon, ang mga eksperto at maging si DOST Sec. Fortunato dela Peña; ang mga kinatawan mula sa DA-BFAR, mga nasa lokal na pamahalaan at mga mangingsida upang ibahagi naman ang kanilang mga karanasan ukol sa red tide.
Ani Dr. Onda, mainam na mag-usap-usap ang mga gumagawa ng batas at ang mga scientist hinggil sa red tide at magkaroon ng solusyon para rito.
“Ang red tide po ay tumataas na ang kaso sa buong Pilipinas at kailangan nating malaman kung bakit at kung paano mapipigilan o mapoprotektahan ‘yung mga mamamayan. It’s a good opportunity for policy makers to interact with the scientists,” dagdag pa niya.
Ayon naman sa kasamahan ni Dr. Onda na si Dr. Aletta Yniguez, pinuno ng Bio Laboratory ng UPMSI at eksperto sa Harmful Algal Blooms, bahagi sa kanilang mga ginagawang aktibidad ay ang promosyon ng partnership ng academe, scientists, BFAR at LGU’s.
Mula sa dating BFAR lamang ang gumagawa, sa ngayon umano, bilang bahagai ng partnership ay mino-mobilize na ang mga mamamayan na i-monitor ang kalidad ng tubig upang agad na malaman kung posibleng magkaroon ng red tide o fishkill. Kasama rin umano nito ang mas maagang paghahanda at hindi lamang araw o linggo kundi taunan, kung sakali matamaan ng red tide gaya ng pagpaplano sa akmang alternative livelihood at ang opsyon na pagtanggap ng disaster fund.
“Because we consider HABs or red tide a disaster although it’s not a big one kind thing, but it’s a slow chronic disaster,” ani Dr. Yniguez.
Sa ngayon umano ay may scientific projects silang ipinatutupad sa mga piling lugar sa Palawan at sa bansa kagaya na lamang ng pagsasanay o transfer of technology sa Western Philippines University (WPU) at Palawan State University (PSU) at ang proyekto ng UPMSI at City Agriculture Office na pagbili ng robot na ilalagay sa Honda Bay at Puerto Bay para sa monitoring. Mahalaga lamang umano ang pagtutulungan ng akademya at ng mga lokal na pamahalaan sapagkat may kamahalan ang robot na umaabot sa P50 milyon ang kada isa.
“Kapag malaman nating na nagwo-work ito sa Puerto Bay at Honda Bay baka pwede na rin nating hilingin na baka pwede na rin itong ipatupad sa ibang lugar,” ani Dr. Onda.
Kaugnay nito ay nagpaabot naman ng kahandaan ng pagtulong si Association of Barangay Captains Provincial Federation President Ferdinand Zaballa, ex-officio member ng Provincial Baord, kung mayroong ipaaabot na mga impormasyon kaugnay sa red tide. Aniya, magagawa ito sapagkat mayroong focal person ang kada munisipyo at ang lahat ng 367 na mga barangay sa lalawigan ng Palawan para sa information, at dissemination campaign.